74 dayuhang Chinese, 2 Burmese timbog sa ilegal na POGO hub

Bureau of Immigration Intelligence Division

UMABOT sa 76 dayuhan ang inaresto sa pagsalakay ng mga awtoridad sa isang pinaghihinalaang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Col. Xerxes Trinidad, chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office, pinangunahan ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division at AFP-National Capital Region Command (AFP-NCRCOM) ang operasyon matapos ang surveillance sa lugar batay sa natanggap na impormasyon tungkol sa ilegal na aktibidad ng online scamming activities.

                Sinabi ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr., naaktohang nagsasagawa ng online scamming ang mga dayuhan na kinabibilangan ng 74 Chinese nationals at dalawang Burmese nationals nang pasukin ng mga awtoridad ang gusali.

Isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng mission order bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na operasyon ng POGO.

Kasalukuyang sumasailalim sa kaukulang proseso ang mga dayuhan para sa posibleng deportasyon bunsod ng paglabag sa mga Batas sa Imigrasyon.

Ilalagay sa blacklist ng BI ang mga dayuhang suspek upang hindi na makabalik sa Filipinas.

Tiniyak ni Trinidad na, patuloy na makikipagtulungan ang AFP sa mga kaukulang ahensiya upang sugpuin ang mga banta sa pambansang seguridad at suportahan ang pagpapatupad ng batas, kabilang ang Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025.