101426 Hataw Frontpage
101426 Hataw Frontpage

HATAW News Team

TULUYAN nang binuwag ng Quezon City local government unit (LGU) ang Task Force Disiplina kasunod ng pagkamatay ng tatlong binatilyo na sinabing pinagbabaril ng isa sa mga tauhan nito nitong Lunes ng madaling araw.

Mahigpit na ipinag-utos ni Mayor Joy Belmonte, na ibalik at mag-report ang lahat ng tauhan ng TF Disiplina sa kanilang mother unit, Department of Public Order and Safety (DPOS). Wala nang awtorisadong operasyon o pagpapatrolya sa ilalim ng naturang task force.

Ngunit bago manatili sa serbisyo sa ilalim ng DPOS, kailangan sumailalim ang bawat tauhan sa mahigpit na background check, neuropsychological examination at drug test, gayundin ang pagsusumite ng National Bureau of Investigation (NBI) at police clearance.

Muling inilinaw ng lokal na pamahalaan na walang baril na iniisyu sa mga miyembro ng TF Disiplina at tanging mga pulis lamang ang awtorisadong magdala ng armas sa hanay ng mga tauhan at force multiplier ng lungsod.

Kasunod nito, inatasan ni Belmonte si Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen. Christopher Olazo na paigtingin ang kampanya laban sa mga ilegal na baril. Hinikayat din ang publiko na tumawag sa Helpline 122 kung may makitang nakaunipormeng tauhan ng TF Disiplina na patuloy na nagpapatrolya sa kanilang barangay.

Matatandaang mabilis na kinondena ng lokal na pamahalaan ang insidente at nagpahayag ng pakikiramay sa mga naulila ng mga biktima. Tinanggal na sa serbisyo ang suspek at kasalukuyang nakakulong sa QCPD Station 6 habang tiniyak ng lungsod na pananagutin ito upang makamit ng mga biktima ang hustisya.