Pilipinas, host ng U-18 Asian Softball Cup

Amateur Softball Association of the Philippines ASAPHIL

NAKATAKDANG maging sentro ng aksiyon sa Asian softball ang Pilipinas sa pagho-host nito ng ikalawang Men’s Under-18 Softball Asia Cup sa Disyembre 1 hanggang 7 sa The Villages sa Clark, Pampanga.

Kinumpirma ni Amateur Softball Association of the Philippines (ASAPHIL) president Jean Henri Lhuillier na anim na bansa ang paunang nagpahayag ng paglahok sa torneo na magsisilbi ring qualifying event para sa susunod na taon na World Championship, sa isinagawang press conference sa PJL Corporate Centre Building, Makati City.

Ayon kay Lhuillier, malaking hakbang ito para sa Philippine softball dahil kauna-unahang pagkakataon na iho-host ng bansa ang Under-18 men’s championship. Ang huling pagho-host ng Pilipinas ng torneo sa kaparehong antas ay ang Women’s Under-18 competition noong 2018.

Inaasahang magiging mahigpit ang labanan sa pagitan ng defending champion Japan, Singapore, China, India, Indonesia at host Philippines. Ang dalawang koponang magtatapos sa finals ang makakakuha ng puwesto bilang kinatawan ng Asya sa World Championship.

Nakatakdang mag-debut sa age-group competition ang Philippine Under-18 team na kilala bilang Blu Boys, sa pangunguna nina head coaches Isidro Abello at Julius Vinuya.

Bilang paghahanda, kasalukuyang nakikipagsabayan ang mga batang Pinoy sa mas matatanda at beteranong manlalaro sa national men’s open competition upang higit na mahasa ang kanilang kakayahan.

Pangungunahan ni standout pitcher Vinz Dominic Sandil ang koponan na sumasailalim sa masinsinang ensayo para sa prestihiyosong torneo.

Tiwala naman si assistant coach Jasper Cabrera sa kondisyon ng mga batang manlalaro at inaasahang magiging handa ang mga ito sa pagsabak sa kompetisyon sa Disyembre.

Ayon kay ASAPHIL operations manager Hanson Landicho, tuloy-tuloy ang paghahanda ng mga organizer upang matiyak ang maayos na pagtanggap sa mga delegasyon ng mga bansang kalahok. (HNT)