WALANG awang pinulbos ng TNT Tropang 5G ang Macau Giant Pandas, 142-87, matapos magpakawala ng mainit na opensa sa PBA 50th Season Governors’ Cup nitong Martes sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Maynila.
Nagsilbing pangunahing sandata ng Tropang 5G si Calvin Oftana na kumolekta ng 28 puntos, kabilang ang limang tres, at limang rebounds upang pangunahan ang tambakan sa bisitang koponan.
Mas naging espesyal ang panalo sa pagbabalik ng star import na si Rondae Hollis-Jefferson matapos ang rehabilitasyon sa kanyang punit na Achilles tendon. Agad itong naghatid ng 22 puntos, anim na rebounds, limang assists at dalawang steals.
Hindi rin nagpahuli si Jio Jalalon na nagtala ng triple-double na 11 puntos, 13 rebounds at 11 assists. Nag-ambag naman sina Jordan Heading at Henry Galinato ng tig-11 puntos, habang nagdagdag si Heading ng 10 rebounds.
Lalong naging masakit ang naging kapalaran ng Macau nang umabot sa 61 puntos ang bentahe ng TNT, 132-71, sa huling yugto ng sagupaan bago tuluyang isara ang laban sa 55 puntos na agwat.
Sa kabila ng kabiguan, nagliyab para sa Giant Pandas si Oscar Lopez Jr. na nagposte ng game-high na 43 puntos at 10 rebounds.
Sa resulta, pinaganda ng Tropang 5G ang kanilang kartada sa 7-4, habang lalo namang nabaon ang Macau sa 2-9 rekord sa torneo.
