ni Allan Sancon
ISANG magandang balita para sa KimPau fans ang pagkakapili ng pelikulang A Perfect Marriage, na pinagbibidahan nina Paulo Avelino at Kim Chiu, bilang isa sa mga opisyal na kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2026.
Hindi maitago ni Kim ang matinding kaba, saya, at pasasalamat nang malamang pasok ang kanilang pelikula sa prestihiyosong film festival na isa sa mga inaabangan tuwing Kapaskuhan.
Para kina Kim at Paulo, panibagong pagkakataon ito para maipakita ang kanilang husay sa pag-arte sa isang kuwentong nangangakong magbibigay ng mas malalim na emosyon sa mga manonood.
Sa kanyang social media post, ibinahagi ni Kim ang labis na kaligayahan nang ianunsiyo ni Ms. Laurice Guillen ang kanilang pelikula sa family drama category.
“’Yung kaba ko, GRABE!!! Naiyak talaga ako noong i-announce ni Ms. Laurice Guillen ang family drama category!” emosyonal na pahayag ng aktres.
Aminado siyang hindi basta-basta ang pagkakataong ito para sa kanya, lalo’t malaking karangalan ang mapabilang sa mga pelikulang magbibigay-buhay sa taunang selebrasyon ng pelikulang Filipino.
Lubos ding nagpasalamat si Kim sa MMFF 2026, Quantum Films, Atty. Joji Alonzo, at sa direktor nitong si Dan Villegas sa tiwalang ibinigay sa kanilang proyekto.
“My heart is so full of gratitude! Maraming, maraming salamat po sa MMFF 2026 and to @quantumfilms @attyjoji for giving me this beautiful opportunity,” aniya.
Para kay Kim, isang napakagandang Christmas gift ang pagkakapili sa A Perfect Marriage, lalo na’t alam niyang maraming KimPau supporters ang patuloy na nagdarasal at umaasang mapapanood sa malaking screen ang tambalan nila ni Paulo.
“For better or for worse, MAGKASAMA TAYO!” dagdag pa niya, kasabay ng pagbati kay Paulo at pasasalamat sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanilang pelikula.
Hindi rin naman matatawaran ang tiwala ni Direk Dan sa kakayahan ng dalawa.
Sa panayam namin sa direktor, ibinahagi niyang kakaibang Kim at Paulo ang makikita ng publiko sa A Perfect Marriage.
“Ibang-ibang Kim at Paulo ang mapapanood ninyo rito at very mature ang kanilang roles na gagampanan. Napakalalim kasi ng roles na kanilang gagampanan dito sa film kaya kailangan nilang medyo mag-adjust.
“Kaya I’m very happy for Pau and Kim,” pahayag ni Direk Dan.
Isang kapana-panabik na hamon ito para sa dalawang aktor, na inaasahang magpapakita ng mas mature at mas masinsing pagganap sa kuwentong nakasentro sa pag-aasawa at sa mga pagsubok na maaaring harapin ng mag-asawa.
Pinuri rin ng producer na si Atty. Joji ang propesyonalismo nina Kim at Paulo habang ginagawa ang pelikula.
Ayon sa prodyuser, hindi naging madali ang kanilang shooting dahil madalas silang maabutan ng ulan, ngunit nanatiling handa at determinado ang dalawang bida na tapusin ang kanilang mga eksena.
“Napakadali nilang katrabaho. Imagine, wala yatang araw na hindi kami inulan, talagang ulan, ulan, ulan, pero wala silang reklamo. Tinatapos nila ang mga eksena at they come prepared, and that is very important, kasi ang hirap mag-shoot kapag hindi prepared ang artista,” kuwento ng producer.
Patunay ito ng dedikasyon nina Kim at Paulo na maibigay ang kanilang pinakamahusay para sa proyektong pinaghirapan ng buong production team.
Sa mga pahayag nina Direk Dan at Atty. Joji, malinaw na malaking bahagi ng lakas ng A Perfect Marriage ang kahandaan at commitment ng dalawang bida. Hindi lamang kilig at chemistry ang maaaring asahan ng KimPau fans, kundi pati ang isang mas seryosong paglalakbay sa mga emosyon, responsibilidad, at komplikasyon ng pagsasama ng dalawang taong piniling magpakasal.
Dahil dito, mas lalong tumitindi ang pananabik ng mga manonood na makita kung paano bibigyang-buhay nina Kim at Paulo ang kanilang mga karakter at kung anong bagong mukha ng kanilang pag-arte ang maipakikita nila sa pelikula.
Bukod sa A Perfect Marriage, pito pang pelikula ang kasama sa opisyal na line up ng MMFF 2026, ito ay ang 2nd Miracle in Cell No. 7 nina Aga Muhlach, Xia Vigor, at Jodi Sta. Maria; Amir nina Dennis Trillo, Argus Aspiras, Glaiza de Castro, at Will Ashley; Haunted Carnival nina Maricel Soriano, John Arcilla, Julia Barretto, James Reid, at Fyang Smith.
The Greatest Showdown nina Vice Ganda at Vic Sotto; Los Salvajes Bravos nina Romnick Sarmenta at Ruru Madrid; Little Hope nina Pepe Herrera at Yassi Pressman; Seeds of Peace: The Life of Fr. Rhoel D. Gallardo, CMF na pinagbibidahan ni Zaijian Jaranilla.
Iba’t ibang kuwento at genre ang hatid ng walong pelikula na nagbibigay ng mas maraming pagpipilian ng mga Filipinong manonood ngayong Pasko.
