Dr Art Cruzada’s Chalk To Chat bagong educational program sa Euro TV PH

Chalk To Chat With Dr Art Arthur Cruzada

RATED R
ni Rommel Gonzales

HUMAHANGA kami kay Dr. Arthur Cruzada na bukod sa isa siyang educator (na nagmamay-ari ng Le Premier Language International Inc. at Le Premier Montessori School Inc.) hindi siya lamang sa loob ng classroom nakatutok. 

Kaya nga nabuo ang Chalk To Chat With Dr. Art na isang TV show sa EURO TV Philippines directed by Ace  Rocha Molino na mapapanood simula Oktubre 22 , 11:00 a.m. to 12 nn.

Halos lahat ng anggulo tungkol sa edukasyon, negosyo, at kung ano-ano pang mapakikinabangan ng mga estudyante, guro, magulang, businessmen, politicians at marami pang iba ay mapapanood at tatalakayin sa show ni Dr. Art.

Sa pilot episode nila ay dalawang guro, isa from Manila at isa from Batangas ang mga guest. Na-witness namin kung paano makipag-interact si Dr. Art sa mga estudyante ng kanyang paaralan, parang mga anak kung ituring niya ang mga ito.

Bukod sa pagiging educator/businessman ay involve na rin si Dr. Art sa Mr. Earth kaya naman sa araw na pinuntahan namin siya sa eskuwelahang pag-aari niya sa Kawit, Cavite ay nakilala namin ang reigning Mr. Earth Philippines 2026 na si Adam Arabani at 2026 Mr. Earth Philippines Man of the Planet, King Reyes. 

Parehong guwapo sina Adam at King. Lalaban si Adam soon sa Mr. Earth international pageant na rito sa Pilipinas gaganapin at si King naman ay sa international edition ng Man of the Planet sa Sri Lanka sa February 2027.

Speaking of direk Ace, bukod sa pagdidirehe ay may negosyo rin siya, ang Angel’s Lechon Bagnet Grill and Restobar with her partner Warnie Sharratt na siyang original owner ng nasabing negosyo. Nangako siya na dadalhin niya kami roon kapag bumalik kami sa Kawit.