MATABIL
ni John Fontanilla
ITINANGHAL bilang Best Supporting Actor ang Sparkle artist na si Will Ashley sa katatapos na 49th Gawad Urian para sa mahusay nitong pagganap sa pelikulang Bar Boys: After School.
Inialay ni Will ang kanyang tropeo sa lahat ng nagsisikap na maabot ang kanilang mga pangarap. Inihambing niya ang kanyang sariling paglalakbay sa buhay, sa katatagan, at pagpupursige ng kanyang karakter sa pelikula.
Sa kanyang acceptance speech, binalikan ng batang aktor ang kanyang paglalakbay sa industriya at nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat sa production team ng pelikula, sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at sa kanyang talent agency na Sparkle GMA Artist Center.
Inialay din niya ang pagkapanalo sa mga estudyante, lalo na sa mga kumukuha ng Bar Exam, at pinaalalahanang huwag mawalan ng pananampalataya sa kanilang sarili. Hinikayat niyang magpatuloy at huwag sumuko anuman ang mga pagsubok at sitwasyong kinakaharap.
Maituturing na isang malaking milestone ito sa karera ni Will bilang aktor, lalo’t pinuri ng mga kritiko ng pelikula sa bansa ang kanyang mahusay na pagganap at sunod-sunod ang mga award na kanyang natatanggap para sa kanyang role sa nasabing pelikula.
