SAYANG at wala sina Kim Chiu at Paulo Avelino sa announcement ng Second Batch ng Official Film Entries ng 52nd Metro Manila Film Festival.
Ang kanilang pelikula, ang A Perfect Marriage ang may pinakamalakas na tilian at nakabibinging hiyawan dahil sa dami ng fans na nagtungo kahapon sa Announcement of the Second Batch of Official Entries na ginanap sa Grand Atrium ng Shangri-La Plaza.
Hindi tuloy nasaksihan ng KimPau kung gaano karami ang fans na naghihintay sa kanila ng hapong iyong.
Anyway, ang A Perfect Marriage ay idinirehe ni Dan Villegas handog ng Quantum Films.
Napili rin ang Los Salvajes Bravos na nagtatampok kina Romnick Sarmenta at Ruru Madrid. Isa itong historical drama na prodyus ng JesCom Films at idinirehe ni Paolo Dy kasama si Juan Ekis bilang co-writer.
Pasok din ang Little Hope, isang family drama na nagtatampok kina Pepe Herrera at Yassi Pressman. Mula ito sa direksiyon ni Benedict Mique at prodyus ng Lonewolf Films.
Si Zaijian Jaranilla naman ang bida sa Seeds Of Peace: The Life of Fr. Rhoel D. Gallardo, CMF, isang documentary film na idinirehe ni Rommel Galapia Ruiz. Ginagampanan ni Zaijian ang papel ng isang pari at kasama niya rito sa pelikulang ito sina Angeli Sanoy at Elora Españo.
Nauna nang inanunsiyo ng MMDA ang unang apat na official entry sa 52nd MMFF sa naganap na kickoff event ng taunang filmfest sa GH Mall sa San Juan.
Kabilang sa unang batch, ang 2nd Miracle in Cell No. 7 ng Viva Films na nagtatampok kina Aga Muhlach, Xia Vigor, at Jodi Sta. Maria. Ito ang prequel sa 2019 Filipino adaptation ng hit Korean drama na Miracle in Cell No. 7.
Pasok din sa unang apat ang Amir ng GMA Pictures na pagbibidahan nina Argus Aspiras, Dennis Trillo, Will Ashley, at Glaiza de Castro. Mula ito sa direksiyon ni Zig Dulay.
Nasa Magic 8 din ang horror film na Haunted Carnival ng Regal Entertainment na idinirehe ni Joey De Guzman tapok sina Julia Barretto, Fyang Smith, James Reid, John Arcilla, at Maricel Soriano.
Kasama rin ang The Greatest Showdown nina Vic Sotto at Vice Ganda na idinirehe ni Jun Robles-Lana, mula APT Entertainment, IdeaFirst Company, at Star Cinema.
Samantala, magkakaroon ng Celebrity All Star PickleBall Tournament sa Nov 29, samantalang magaganap ang MMFF 52nd Parade of Stars sa December 12 sa Bacolod at December 19 naman sa San Juan at Mandaluyong. Ang Gabi ng Parangal ay magaganap sa December 27.
Nauna nang inihayag ni Atty. Don Artes, chairperson ng MMDA at overall chair ng MMFF, na ang cinema ticket prices sa festival ay naka-cap na sa P299.
Aniya, “Nagkasundo kami ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines na ang presyo ng tickets ay P299.
“Ito po ay during festival period lamang, at ‘yung P299 ay maximum. Pwede pa bumaba, lalo na sa mga probinsiya.”
