DALAWANG Korean national ang dinakip ng mga awtoridad na sinabing POGO workers sa ikinasang buybust operation sa Clark Freeport Zone, sa lalawigan ng Pampanga, nitong Martes ng madaling araw, 6 Oktubre.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga naarestong suspek na sina alyas Jung, 38 anyos; at alyas Hyun, 31 anyos.
Ayon sa nakalap na ulat, halos isang taon at limang buwan nang namamalagi sa bansa sina Jung at Hyun.
Nakompiska ng operating team mula sa mga suspek ang halos 200 gramo ng ketamine na tinatayang nagkakahalaga ng P1,000,000; isang cellphone, at marked money na ginamit sa operasyon.
Ipinahayag ng PDEA na ang operasyon ay nag-ugat sa ‘tip’ ng isang confidential informant.
Ang mga nakompiskang substance ay isusumite sa PDEA Region 3 Laboratory para sa forensic examination at confirmation.
Isinagawa ang operasyon ng magkasanib na mga puwersa ng PDEA Region 3 Special Enforcement Team (RSET), PDEA Pampanga Provincial Office, at ng Mabalacat CPS.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa mga kasong paglabag sa Section 5 (Pagbebenta ng Mapanganib na Droga), kaugnay ng Section 26(B) (Conspiracy to Sell), Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)
