SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
SAYANG at nakaalis na at hindi namin naabutan si Gelli de Belen sa Red Carpet Premiere ng Mantsa noong October 5, 2026 sa Trinoma Cinema.
Pero ayon sa mga naka-usap ni Gelli, peace sign at matamis na ngiti lamang ang isinagot nito nang uriratin ng entertainment press ukol sa naging tugon sa kanya ni Dennis Trillo ukol sa ibinigay niyang komento sa usaping Patrick Garcia at Jennylyn Mercado.
Bukod sa ngiti at peace sign, inanyayahan na lang niya ang publiko na suportahan ang kanilang pelikulang Mantsa, na palabas na sa kasalukuyan at nagtatampok din kina Pilar Pilapil, Khai Flores, at Shira Tweg.
Ani Gelli, excited sila sa pelikula nilang Mantsa, isang psychological thriller.
“Super excited ako sa ‘Mantsa.’ Focus tayo sa ‘Mantsa,’ guys. But thank you for coming. Thank you talaga, I appreciate it,” pag-iwas na sabi ng aktres.
Kapansin-pansing gwardiyado si Gelli sa premiere night ng kapatid niyang si Janice de Belen na kasama rin sa pelikulang Mantsa, kasama ang kaibigang si Candy Pangilinan.
Ani Candy, pinagitnaan nila ni Janice si Gelli para maiiwas sa pangungulit ng press at vloggers.
Aniya, “Sa totoo lang, I think na-misinterpret lang nila si Gelli. Wala namang masamang sinabi si Gelli, sa totoo lang.
“Kapag binasa nang buo, ‘di ba, if you read everything, the whole context of it, ang sinabi niya, let’s focus on the children. Let’s focus on the children because ‘yung mental health ng mga bata ang mas importante at this point.
“Which is true. I think nagkulang lang sa pag-explain si Gelli. As a matter of fact, alam ni Gelli ‘yon. Kaya sinabi niya na mag-move-on sa relasyon kasi alam ni Gelli, since sa akin, hindi na ako nag-dwell sa relasyon. Dahil si Gelli is coming from a point na siya ang nag-witness for my VAWC (Violence Against Women and Their Children). Siya ang witness ko sa VAWC case ko kaya alam niya na nag-focus ako roon sa problema niyong bata.
“Kaya I think doon siya nanggagaling. I think na-misinterpret lang, I think, ha. The fact is Gelli is my witness sa VAWC, hindi alam ng tao ‘yon, where nakakuha naman ako ng justice, sa totoo lang naman,” paliwanag ni Candy.
Sinabi pa ni Candy na nagpapasalamat na rin siya sa pagputok ng isyu dahil ngayon, nahihimay ang detalye ng pagiging single parent sa isang neurodivergent.
Relate nga siya sa pinagdaanan ni Jennylyn na mag-isang pinalaki si Jazz dahil sabi nga niya, “being alone, mahirap talaga. Tumbling! Lahat gagawin mo, magiging creative ka.”
Panahon na rin daw sigurong katukin ang gobyerno para sa mga proyektong mangangalaga sa mga pangangailangan ng single parents at ng neurodivergents.
At para kina Dennis at Patrick, nagpayo si Candy na, “mag-usap sila.
“Kasi nga ito, I think, ang pagkakataon dahil forever na bata naman ang mga ‘yan, ‘di ba? Ito ang pagkakataon na maging ama kung gusto… mag-usap sila, para mas tahimik,”
Sa kabilang banda, punong-puno ang sinehan noong Lunes at marami ang na-excite sa pelikula. Halos wala na nga kaming maupuan dahil na-late nga kami ng dating.
Anywy, ang Mantsa ay handog ng Dragon Entertainment Productions nina Bambbi Fuentes at Tine Areola.
Kasama rin sa cast sina Snooky Serna, Lloyd Samartino, Dino Guevarra, LA Santos, Bo Bautista, atbp.. May special participation si Janice de Belen. At ito ay idinirehe ni Louie Ignacio.
