AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NAGING tanyagsi Senador Panfilo “Ping” Lacson bilang tagapagtanggol ng katotohanan—ang imbestigador na sumusunod sa resibo, galit sa pork barrel, at walang sinasanto kahit sino pa ang mabangga.
Dahil mataas ang puwestong pinaglalagyan ni Ping sa kanyang sarili, nararapat lamang na sukatin siya sa mismong pamantayan na ginagamit niya laban sa iba. Ang tanong ngayon: Kaya rin ba niyang ilapat sa sarili niya ang “searchlight” na itinututok niya sa iba?
Muling uminit ang usapin nang magpalabas si Lacson ng video ukol sa ginagawang inspeksiyon ng Ombudsman, Philippine Reclamation Authority (PRA), Land Registration Authority (LRA), at DPWH sa sinasabing ilegal na reclamation. Mabilis niyang ikinabit ito salitang ‘impunity’ ng pamahalaang lungsod ng Taguig.
Mabibigat na salita. Pero sa batas at sa simpleng lohika, ang mabigat na akusasyon ay nangangailangan ng mas mabigat na ebidensiya. Ang inspeksiyon ay patunay lamang na may sinusuri ang awtoridad, hindi pa ito patunay kung sino ang may kasalanan, sino ang nag-utos, o kung sangkot ba talaga ang City Hall ng Taguig.
Sapol ang sagot ng Taguig sa evidentiary gap o kulang-kulang na ebidensiya ni Ping. Malinaw ang pahayag ng lungsod — hindi sa kanila ang lupang nasa video, wala silang inilabas na permit sa mga sinasabing pribadong indibiduwal, at hindi nila pagmamay-ari ang aktibidad.
Kung nagsisinungaling ang Taguig, ilabas mo ang resibo, Ping! Sampalin mo ng dokumento. Pero kung totoo ang sinasabi ng Taguig, lumalabas na nagpapakalat ang Senador ng maling ‘impresyon’ sa publiko para lang makakuha ng ‘headline’.
Hindi natin ipinagtatanggol ang korupsiyon. Ang ipinagtatanggol natin dito ay ang malaking pagkakaiba ng akusasyon sa patunay.
Nanindigan ang Taguig na pabor sila sa paglaban sa graft and corruption. Pero nag-iwan sila ng babala na dapat tandaan ng lahat: “The fight against corruption must always be a fight for truth, not a contest of accusations.”
Dapat lang tandaan ito ni Lacson. Siya mismo ay ilang beses nang nabaha ng mabibigat na akusasyon sa kanyang karera:
* Naugnay siya sa Kuratong Baleleng shootout kung saan 11 ang patay, ngunit naibasura ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na basehan.
* Sa Dacer-Corbito case, nagpalabas pa ng arrest warrant laban sa kanya bago ito tuluyang ibinasura ng Court of Appeals at Supreme Court.
* May mga usapin din tungkol sa kanyang serbisyo sa MISG noong Martial Law, na paulit-ulit naman niyang itinanggi.
Nakinabang si Ping sa pinakamahalagang karapatan ng bawat mamamayan: ang ituring na walang sala hangga’t hindi napapatunayan sa korte. Kung inirespeto ng sistema ang kanyang karapatan sa “due process”, dapat itong irespeto ng Senador. Bakit, ipinagkakait nga ba ito ni Sen. Ping?
At dito natin makikita ang matinding ironia sa kuwento ni Ping Lacson.
Ayon sa mga opisyal na ulat, ang kanyang declared net worth sa SALN ay lumobo mula halos ₱58.77 milyon noong 2022 patungong ₱244.94 milyon noong 2025. P186 milyon na pagtaas sa loob lamang ng tatlong taon.
Paliwanag ni Lacson, galing daw ito sa mga legal na negosyo sa real estate at trading kasama ang ilang partners noong wala pa siya sa gobyerno, at nagbayad naman daw siya ng kaukulang buwis. Iyon naman pala e. Malinis pala ang pinanggalingan.
Aba’y magaling! Karapatan niyang magpaliwanag at dapat siyang pakinggan. Ngunit sa sariling pilosopiya ni Ping: Ang paliwanag ay ‘hindi’ kapantay ng independent verification.
Hindi natin sinasabing corrupt si Lacson dahil lang lumaki ang kanyang pera. Ang pag-aakusa nang walang ebidensiya ang mismong kamaliang pinupuna natin dito. Pero halatang may mga legal at makatuwirang tanong na dapat niyang sagutin:
* Anong mga partikular na transaksiyon ang nagpasok ng ganyan kalaking kita?
* Anong mga ari-arian ang nabili o naibenta?
* Sino-sino ang kanyang mga naging business partner?
* Magkano rito ang tunay na cash flow kompara sa unrealized assets?
Kung malinis ang lahat, mas lalong tatatag ang kanyang reputasyon kung bubuksan niya ang kanyang mga libro at dokumento sa publiko.
Hindi puwedeng maging pamalit sa ebidensiya ang ‘pantay na imahen’ o ‘personal brand’ ng pagiging anti-pork barrel hero. Ang taong naglalagay ng sarili sa pinakamataas na pedestal ng moralidad ang siyang may pinakamabigat na tungkuling magpakita na patas ang kanyang timbangan.
Kailangan ng bansa natin ang matatapang na imbestigador, masisipag na auditor, at mga korteng walang kinatatakutan. Pero hindi natin kailangan ng politikang moro-moro, kung saan ang akusasyon ay ginagawang headline, ang headline ay ginagawang pananaw ng publiko, at ang pananaw ng publiko ay ipinipilit na parang hustisya.
Kaya, Quo Vadis, Ping Lacson? (Saan ka patutungo?)
Kung may kasalanan ang Taguig, ilabas ang ebidensiya at hayaang gumana ang batas.
Kung may tumanggap ng kickback, ituro ang money trail at patunayan sa korte.
At kung tinatanong ng publiko kung paano lumago ng ₱186 milyon ang iyong yaman sa loob ng 3 taon, ilabas mo ang resibo nang may parehong tapang at kompiyansa na iginigiit mo sa iba.
Sa totoong kampanya laban sa korupsiyon, walang sacred cow, hindi si Cayetano, hindi ang Taguig, at lalong hindi si Ping Lacson.
