UMABOT sa 20 trucks ng mga bombero mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang fire volunteers ang nagresponde sa sunog na sumiklab sa isang residential areas sa Waling-Waling St., Brgy. Central, Quezon City, nitong Martes ng hapon, 6 Oktubre.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), itinaas sa unang alarma ang sunog dakong 12:52 ng hapon, saka itinaas sa ikalawang alarma dakong 1:02 ng hapon, hanggang sa ikatlong alarma bandang 1:13 ng hapon.
Dakong 1:28 ng hapon, itinaas sa ikalimang alarma ang sunog at umabot sa 20 trucks ng bombero ang nagresponde upang pagtulungang apulain ang apoy.
Naglabas ang Philippine Red Cross – Quezon City Chapter ng truck at ambulansiya upang makatuwang sa operasyon at makapagbigay ng tulong sa mga apektadong residente.
Idinaklarang under control ang sunog dakong 2:48 ng hapon at tuluyang naapula dakong 3:37 ng hapon, kahapon.
Nakatakdang maglabas ang mga awtoridad ng impormasyon kaugnay sa pinagmulan ng sunog, halaga ng pinsala at bilang ng casualties at mga nasugatan.
