
HATAW News Team
NILALABAG ni Senator Panfilo Lacson ang probisyon ng confidentiality rule ng Office of the Ombudsman dahil sa patuloy nitong pagpapalabas sa publiko ng mga pahayag at pag-aakusa laban kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, kahit pormal nang naisampa ang mga dokumento sa nasabing constitutional body at nagsasagawa na ng preliminary investigation.
Obserbasyon ito ng ilang legal practitioners na nagpaalalang sa ilalim ng Republic Act No. 6770 (The Ombudsman Act of 1989) at mga alituntunin sa imbestigasyon ng Ombudsman (tulad ng Administrative Order No. 1, Series of 2026 sa ilalim ng Rule IV, Section 5), ang anumang fact-finding investigation, testimonya ng saksi, at isinumitang ebidensiya ay itinuturing na strictly confidential.
Kamakailan, naglabas si Lacson sa kanyang social media accounts ng isang 25-segundong video snippet mula sa ginagawang joint field inspection ng Office of the Ombudsman, Philippine Reclamation Authority (PRA), Land Registration Authority (LRA), at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Taguig Lakeshore, na malinaw na paglabag sa confidentiality rule ng Ombudsman.
Isinasaad sa legal framework na ang probisyong ito ay nag-aatas na panatilihing pribado ang mga detalye ng imbestigasyon habang gumugulong ang opisyal na pagsusuri ng constitutional body.
Binigyang-diin ng mga legal expert na may tatlong pangunahing dahilan ang pagpapatupad ng patakarang ito sa ilalim ng batas, una ay proteksiyon laban sa trial by publicity, layunin nitong pigilan ang paggamit sa media o social media upang impluwensiyahan ang opinyon ng publiko habang wala pang opisyal na resolusyon ang imbestigador ng Ombudsman.
Tiyakin ang integridad ng ebidensiya upang hindi maiimpluwensiyahan ang mga saksi at hindi mapangungunahan o mababago ang mga documentary at physical evidence.
At tiyakin ang karapatan sa due process, pinoprotektahan nito ang karapatan at reputasyon ng sinumang iniimbestigahan laban sa premature exposure at unfair public judgment habang wala pang opisyal na hatol.
Dahil pormal nang nagsumite si Lacson ng mga dokumento sa Office of the Ombudsman na idinadawit si Cayetano at ang pamahalaang lokal ng Taguig sa sinasabing mga iregularidad, binigyang-diin ng mga legal observer na sakop na ito ng strict confidentiality protocols at imbestigasyon ng nasabing tanggapan.
Dahil dito, ang patuloy na pagpapakalat ni Lacson ng mga pinagputol-putol na inspection video at pampublikong akusasyon sa social media ay itinuturing na usaping nakasisirang-puri sa pormal na proseso ng batas.
Ayon sa mga legal practitioner, ang pagsasapubliko ng imbestigasyon sa pamamagitan ng social media at pagpasa ng hatol sa publiko imbes ipaubaya ang pagpapasya sa Ombudsman ay hayagang sumasalungat sa layunin ng batas na mapanatili ang patas, malinis, at may kredibilidad na imbestigasyon.
Nagsimula ang sigalot sa pagitan ng dalawang senador nang ihayag ni Lacson ang kanyang mga natuklasan ukol sa umano’y 32 ‘ghost’ flood control at slope protection projects sa lungsod ng Taguig na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso, gayundin ang sinasabing ilegal na reklamasyon sa halos 170 ektarya ng Laguna Lake.
Sa pamamagitan ng kanyang mga pagsisiwalat, idinawit ni Lacson ang pamilya Cayetano at ang pamahalaang lokal ng Taguig .
Sa kabila ng mga akusasyong ito, mariing itinanggi ng pamahalaang lungsod ng Taguig at ng kampo ni Cayetano ang mga alegasyon matapos lumabas sa mga pormal na pagdinig sa Senado na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang pambansang ahensiya, at hindi ang Taguig LGU, ang pormal na proponent ng mga infrastructure at reclamation projects sa kahabaan ng lakeshore.
