BINIGYANG-DIIN ni Gobernador Daniel Fernando ang mahalagang papel ng mga kooperatiba sa pagsusulong ng inclusive economic growth, na ang tunay na pag-unlad ay dapat direktang maramdaman ng mga manggagawa, maliliit na negosyante, at mga pamilyang nasa kanayunan.
Sa kaniyang mensahe sa Cooperative Parade and Kick-Off Ceremony na isinagawa nitong Sabado, 3 Oktubre, sa Bulacan Capitol Gymnasium, binigyang-diin na ang mga kooperatiba ay mahalagang haligi sa pag-unlad ng bansa dahil nagagawa nitong gawing matatag na kabuhayan ang maliliit na negosyo.
“Sa lalawigan ng Bulacan, ipinagmamalaki po natin na isinusulong ang people-centered economy, isang ekonomiyang hindi lamang malalaking negosyo ang umuunlad, kundi maging ang maliliit na tindahan sa kanto, ang kooperatibang binubuo ng mga manggagawa, mga magsasaka, at mga mangingisda, dahil ang pag-unlad ay hindi lang dapat nakikita sa malalaking gusali, malalaking puhunan o malalaking negosyo, nakikita rin ito sa tindahang nakapagpatuloy, sa magsasakang may magandang kita, sa pamilyang nagkaroon ng sariling kabuhayan at sa kooperatibang unti-unting lumalakas,” pahayag ni Gob. Fernando.
Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) ang pagdiriwang na nilahukan ng libo-libong miyembro, opisyal, at iba pang katuwang ng mga kooperatiba, bilang opisyal na pagsisimula ng Cooperative and Enterprise Month sa lalawigan na may temang “Sustaining Inclusive Growth thru Cooperative Empowerment.”
“Kooperatiba ang nagsasalba sa kahirapan, kooperatiba ang nagsasalba sa maliliit na negosyante, para sa mga nagsisimula pa lamang, para sa mga pamilya na naghahanap ng dagdag na kita, isang kilusang patuloy na nagpapaangat ng ating ekonomiya, nagbibigay ng pag-asa sa mga pamilya, nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa bawat Bulakenyo,” dagdag ng gobernador.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang masiglang parada mula sa Malolos Amphitheater patungo sa Bulacan Capitol Gymnasium, na nagpakita ng pagkakaisa ng mga kooperatiba mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Dumalo rin bilang pagpapakita ng suporta sa sektor sina Bise Gobernador Alexis Castro, Coop NATCCO Partylist Congressman Felimon Espares, Cooperative Development Authority (CDA) Chairperson Usec. Alexander Raquepo, CDA Regional Director Marieta P. Hwang, at dating Gobernador Roberto “Obet” Pagdanganan, na kinikilala bilang “Father of Modern Philippine Cooperativism.”
Sa kaniyang member-centric na mensahe, hinikayat ni Congressman Espares ang mga stakeholder na manatiling nakatuon sa pangunahing layunin ng kooperatiba habang patuloy itong lumalago.
“Habang lumalakas ang ating kooperatiba, dapat natin tingnan bakit tayo nagkooperatiba, ang sentro ng lahat ng ginagawa natin is for our members, their welfare, their voice and their future, we would like to remind everybody to renew our shared commitment, let us create more opportunities for our members, working together for a more progressive community,” ani Espares.
Samantala, sinabi ni CDA Regional Director Hwang na higit pa sa simpleng kalakalan ang naaabot ng mga kooperatiba dahil direktang nakaugnay ang mga ito sa buhay ng mga tao.
“Ang Cooperative Month ay panahon upang kilalanin ang mahalagang ambag ng mga kooperatiba, ito ay hindi lamang tungkol sa negosyo, ito ay tungkol sa tao, sa kanilang kabuhayan, pamilya, pangarap at kinabukasan,” ani Hwang.
Sinang-ayunan din ito ni CDA Chairperson Raquepo at sinabi na may kakayahan ang sistema ng kooperatiba na magbigay ng access sa serbisyong pinansiyal, lalo na sa mga higit na nangangailangan nito.
“Dito lang sa koop binibigyan natin ng oportunidad ang maliliit, dito lang sa koop binibigyan natin ng pagkakataon ang mga walang-wala, dito lang sa koop pinapautang natin ang mga walang maikolateral, pagpapatunay na ang kooperatiba ay talagang isang matatakbuhan at maaasahang organisasyon,” ani Raquepo.
Samantala, inilatag ni Pagdanganan ang pangmatagalang perpspektibo para sa ekonomiya ng Bulacan, kung saan binigyang-diin ang pagpapalakas ng mga kooperatiba bilang bahagi ng pagpapalakas ng mas balanse at matatag na lipunan.
“Ang Bulacan ay isang dakilang lalawigan na progresibo kung saan malakas ang gitnang uri at lahat ng mamamayan ay may pantay-pantay na pag-abot sa oportunidad at resources, upang makamit ang ating pananaw, kailangan ng estratehiyang makapagpapataas ng kita ng mga pamilya at makapagpapabuti sa kalidad ng buhay ng ating mga mamamayan,” ani Pagdanganan.
Bilang dagdag na hakbang para sa patuloy na pagpapaunlad ng mga kooperatiba sa lalawigan, inilunsad din sa pagtitipon ang GoLab Koop Onboard Program na nakatuon sa modernisasyon ng operasyon at pagpapabilis ng development ng mga kooperatiba sa Bulacan. (MICKA BAUTISTA)
