Lolong tulak tiklo sa bitag

Arrest Shabu

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang matandang lalaking hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang drug entrapment operation sa Brgy. Sapang Biabas, lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga, nitong Sabado ng hapon, 3 Oktubre.

Nakompiska sa ikinasang operasyon ang tinatayang P68,000 halaga ng pinaniniwalaang shabu.

Kinilala ng PDEA team leader ang suspek na si alyas Lolo Nilo, 60 anyos, residente sa Brgy. Dau, sa nabanggit na lungsod.

Nakompiska mula sa suspek ang limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng halos 10 gramo ng hinihinalang shabu, isang cellphone, at buybust money.

Pansamantalang nakakulong ang suspek sa PDEA-3 detention facility sa lungsod ng San Fernando, sa nabanggit na lalawigan.

Isinagawa ang operasyon ng mga pinagsanib na puwersa ng mga operatiba mula sa mga tanggapan ng PDEA sa Tarlac at Pampanga, at ng Mabalacat CPS.

Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa seksiyon 5 (pagbebenta ng mga mapanganib na droga) ng RA 9165 na hindi maaaring piyansahan. (MICKA BAUTISTA)