Nagrerekrut ng mga massage therapist para sa ‘extra service’
NEGOSYANTE SA ANGELES, PAMPANGA NASAKOTE

PNP CIDG

ISANG babaeng negosyante ang inaresto na sinabing sangkot sa pagrerekrut ng mga massage therapist para sa home service operation na nag-aalok ng ‘extra services’ sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.

Kinilala ang suspek na isang 36-anyos babaeng nakatala bilang Regional Most Wanted Person ng PRO4-A, na nadakip sa Brgy. Malabanias, sa nabanggit na lungsod noong 29 Setyembre.

Sa pahayag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sangkot ang suspek sa 10 warrant of arrest na inisyu ng mga korte sa Mandaluyong, Calamba, Bacoor, Pasay, at Parañaque para sa illegal recruitment, qualified trafficking, qualified trafficking in persons, estafa, at mga paglabag sa Securities Regulation Code.

Ayon sa CIDG, ang suspek at ang kaniyang mga kasabwat ay nagrekrut ng mga indibiduwal sa Calamba City, Laguna noong 2024 upang magtrabaho bilang mga home service massage therapist.

Napag-alaman ng mga awtoridad na ang mga massage service ay sinasabing may kasamang alok na ‘extra services’.

Sinabi ng CIDG na ang pag-aresto ay bahagi ng patuloy nitong pagsisikap na mahanap ang mga wanted persons at panagutin ang mga akusado ng trafficking at iba pang mga pagkakasala.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG ang suspek na haharap sa mga korte na nag-isyu ng mga warrant of arrest. (MICKA BAUTISTA)