Sa Tarlac City
3 sugatan pamamaril, suspek arestado

Tarlac PPO Police PNP

INIIMBESTIGAHAN ng mga awtoridad ang isang insidente ng pamamaril na naiulat dakong 11:50 ng gabi nitong Sabado, 3 Oktubre, sa Bypass Road, sa lungsod ng Tarlac.

Nagresulta ang insidente sa pagkakasugat ng tatlong indibiduwal habang agad nadakip ang suspek na pinaniniwalaang alagad ng batas.

Sa paunang imbestigasyon ng mga operatiba ng Tarlac CPS, nabatid na nagkasuntukan ang mga kaibigan ng mga sugatang biktima at ng suspek sa nasabing lugar.

Kasunod nito, bumunot ng baril ang suspek at nagpaputok nang dalawang beses, na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlong indibiduwal.

Agad isinugod ang mga biktima sa Central Luzon Doctors Hospital para sa kaukulang atensiyong medikal.

Samantala, patuloy na inaalam ng mga imbestigador ang buong pangyayari, kabilang ang mga sirkumstansiyang nag-udyok sa insidente.

Nakompiska ng mga awtoridad ang isang kalibre .45 baril na hinihinalang ginamit sa insidente.

Isasailalim ang mga nasamsam na ebidensiya sa kaukulang pagsusuri at dokumentasyon bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon.

Pahayag ni P/Lt. Col. Glen Santiago, hepe ng Tarlac CPS, mahalaga ang masusing imbestigasyon, maayos na koordinasyon, at wastong pangangalap at pagsusuri ng mga ebidensiya upang malinaw na matukoy ang buong pangyayari at matiyak na ang mga legal na hakbang na nakabatay sa mga nakalap na impormasyon at ebidensiya. (MICKA BAUTISTA)