Sibol, bumitaw sa MLBB quarterfinals kontra Indonesia

Sibol PH Esports Asian games

TOKONAME, Japan — Tuluyang nagtapos ang kampanya ng Sibol sa 20th Asian Games matapos mabigo sa Indonesia, 1-2, sa quarterfinals ng Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) esports event nitong Miyerkules sa Aichi Sky Expo Hall.

Kinatawan ng core players ng three-time MPL Philippines champion na Team Liquid, nahirapan ang Sibol na makahanap ng ritmo laban sa agresibong laro ng Indonesia, na agad nagdikta ng tempo sa serye.

Nakuha ng Indonesia ang unang laro, 22-19, matapos paulit-ulit na maputol ang mga plano ng Sibol sa pamamagitan ng maagang pag-atake at pressure.

Inamin ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno na hindi naipatupad ng koponan ang kanilang nakasanayang laro dahil sa sunod-sunod na pagkakamali.

“Sobrang dami naming errors and tingin ko hindi namin nalaro ‘yung laro talaga namin. Hindi ko expect na matatalo kami,” ani Nepomuceno.

Gayunman, mabilis na nakabawi ang Sibol sa Game 2 at pinabagsak ang Indonesia, 14-5, upang itabla ang best-of-three series.

Hindi naipagpatuloy ng Pilipinas ang momentum sa deciding Game 3. Muling nakontrol ng Indonesia ang takbo ng laro at isinara ang serye sa 12-6 upang tuluyang makuha ang puwesto sa semifinals.

Binubuo ang Philippine MLBB squad nina Karl “KarlTzy” Nepomuceno, Sanford “Sanford” Vinuya, Alston “Sanji” Pabico, Jaypee “Jaypee” Dela Cruz, Dave “Teddy” Viana at Duane “Kelra” Pillas.

Suportado ang kampanya ng Sibol ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).

Samantala, nagtapos din ang kampanya ng Sibol sa Identity V matapos itong matalo sa Malaysia, 0-2, sa quarterfinals.

Dahil sa magkahiwalay na pagkatalo sa MLBB at Identity V, tuluyan nang nagtapos ang kampanya ng Sibol sa Asian Games. Gayunman, nakapag-uwi ang Philippine esports delegation ng dalawang bronze medal mula sa Honor of Kings at Pokémon UNITE.

Bagama’t hindi nakapasok sa medal rounds ang MLBB at Identity V squads, nananatiling bahagi ng overall medal haul ng bansa ang dalawang bronze medal na nakuha ng Philippine esports delegation sa Aichi-Nagoya. (POC Media Pool/HNT)