Paalam, pasok sa gold medal bout; Kazakh talo sa semis

Carlo Paalam Asian Games

NISHIO, Japan — Umabante sa gold medal bout si Olympic silver medalist Carlo Paalam matapos malampasan ang mabagsik at dikdikang semifinal showdown kontra Kazakhstan’s Makhmud Sabyrkhan sa men’s 55kg boxing event ng Aichi-Nagoya 20th Asian Games nitong Miyerkules sa Nishio Gymnasium.

Kinapitan ni Paalam ang magandang simula at nakuha ang unang round, 10-9, sa apat sa limang judges’ scorecards bago nakipagsabayan sa Kazakh boxer sa sumunod na dalawang rounds.

Sa huli, nanaig ang Pinoy pride sa pamamagitan ng 3-2 split decision upang tuluyang makapasok sa gold medal match.

Ayon sa pambato ng Talakag, Bukidnon, ibang istilo ang ipinakita ni Sabyrkhan kaya naging taktikal ang kanilang laban, partikular sa palitan ng counters.

Sinunod ni Paalam ang bilin ni coach Elmer Pamisa na maunang umatake at maging handa sa huling counter ng kalaban.

“Lalabas ‘to siya, gawin ko yung laro ko… unahan lang kami paano mag-counter,” ani Paalam.

Lalong naging pisikal ang laban sa third round kung saan nabawasan pa ng isang puntos ang kanyang score matapos ang referee’s deduction.

Ngunit hindi natinag ang Pinoy boxer. Sa halip, ibinuhos niya ang kanyang lakas at tibay upang makuha ang pabor ng mga hurado.

“Pinapakita ko sa referee na Pinoy tayo, dugo natin ‘to, kahit magkamatayan tayo… ibibigay talaga sa last round,” pahayag niya.

Dahil sa panalo, siguradong may silver medal nang maiuuwi si Paalam sa Pilipinas, ngunit target niyang tapusin ang kampanya sa gintong medalya.

Makakaharap niya sa gold medal bout ang pambato ng Japan na si Rui Yamaguchi, na tinalo ang Mongolia’s Bilguunsaikhan Kharhuu, 5-0, sa kabilang semifinal.

Bagama’t nakasiguro na sa medalya, inamin ni Paalam na mabigat ang mental pressure na dala niya sa torneo, kabilang ang mga batikos na natatanggap online.

Nanawagan siya sa mga Pilipino na manatiling positibo at suportahan ang mga atletang lumalaban para sa bansa.

“Support me, walang bashing sa mga Pilipinong lumalaban sa Asian Games kasi lahat hirap talagang kumuha ng medal… pagdasal niyo kami.”

Ngunit ayon kay Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) President Marcus Manalo, hindi pa tapos ang misyon ni Paalam.

Hindi siya kuntento sa pilak—ginto ang target ng Pinoy Olympic silver medalist. (POC Media Pool/HNT)