APAT na lalaki kabilang ang isang dating sundalo ang nasakote dahil sa dala nilang sasakyan na sinabing sangkot sa isang holdapan sa Trece Martires, Cavite.
Naaresto ang mga suspek ng Catanauan Municipal Police Station (MPS), katuwang ang 3rd at 4th Platoon ng 2nd QPMFC, Mulanay MPS, General Luna MPS, at Provincial Intelligence Unit (PIU), sa isinagawang operasyon kahapon ng madaling araw sa Catanauan, Quezon.
Ayon kay Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea, kinilala ang mga dinakip na sina alyas Aries, 47 anyos; alyas Meliton, 40; alyas EJ, 40; at alyas July, 35, tinukoy na AWOL na corporal sa Philippine Army.
Nagsimula ang operasyon dakong 3:40 ng madaling araw matapos makatanggap ng impormasyon ang Catanauan MPS mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang grupo ng mga kalalakihan sa isang hotel na nakitaan ang isa sa kanila na may bitbit na long firearm.
Sa operasyon, nakompiska sa mga suspek ang isang M16 rifle, dalawang kalibre .45 pistols, at isang Colt Super .38 revolver, mga magazine na may kabuuang 35 live ammunitions, at dalawang hand grenade.
Nakuha rin sa isang itim na Nissan Terrano, sinasabing may kaugnayan sa isang robbery/hold-up incident sa Trece Martires City, Cavite, ang dalawang rifle grenade at dalawang live ammunition ng M203 grenade launcher.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang nasabing sasakyan ay ginamit sa isang robbery/hold-up sa isang DALI Store sa Brgy. Cabezas, Trece Martires City, Cavite noong 23 Setyembre 2026 na natangayan ng P131,000.
