ARESTADO ang isang babaeng lantaran magbenta ng ilegal na droga sa ikinasang buybust operation sa Barangay Minuyan Proper, sa lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan, kamakalawa ng hapon.
Nakuha sa suspek na kinilalang si alyas Minggay, 29 anyos, ang tatlong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng halos 16 gramo ng hinihinalaang shabu (nagkakahalaga ng P102,000), at ang marked money na ginamit sa operasyon.
Si alyas Minggay ay pansamantalang ikinulong sa PDEA Region 3 jail facility sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga, habang ang mga nakompiskang ilegal na droga ay sasailalim sa forensic examination sa laboratoryo ng PDEA Region 3.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsamang elemento ng PDEA Bulacan Provincial Office at ng PNP Provincial Intelligence Team — Bulacan East Regional Intelligence Unit.
Inihahanda na ngayon ang kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa suspek. (MICKA BAUTISTA)
