PATAY ang isang barangay chairman nang pagbabarilin ng nag-iisang armadong salarin lulan ng motorsiklo sa Barangay Kansumandig, La Libertad, Negros Oriental noong Miyerkoles.
Kinilala ang biktima na si Dennis Himpayan, 42 anyos, chairman sa naturang Barangay.
Sa ulat, naganap ang pamamaslang sa biktima sa nasabing lugar dakong 5:30 ng hapon.
Sa imbestigasyon, nabatid na kasalukuyang naglalakad ang biktima nang biglang sumulpot ang gunman sabay putok nang sunod -sunod sa katawan.
Duguang bumulagta ang biktima habang mabilis na tumakas ang gunman matapos mapuruhan ang target. Narekober ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang mga basyo ng bala ng kalibre .45 pistol.
Bago ito, namataan ng mga residente sa lugar na kahina-hinalang umaaligid ang suspek at tila may inaabangan.
Isinailalim ng mga operatiba ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang krimen upang matukoy ang motibo ng krimen.
