Pampanga drug den nabuko apat na adik at tulak arestado

Shabu pot session hithit

ISANG drug entrapment operation ang humantong sa pagkakatuklas at pagbuwag sa isang drug den at pagkaaresto sa apat na suspek sa Roxas Street, Barangay Dau, Mabalacat City, Pampanga kamakalawa.

Sa nasabing operasyon, nakompiska ang P61,200 halaga ng hinihinalaang shabu.

Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pampanga Provincial Office ang mga naarestong suspek na sina alyas Ricky, 42 anyos; alyas Lyn-Lyn, 37; alyas Romy, 37; at alyas Febie, anyos.

Nakuha sa mga nahuling suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng 12 gramo ng hinihinalang shabu (nagkakahalaga ng P61,200), iba’t ibang kagamitan sa pagsinghot ng illegal substance, at ang buybust money.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Pampanga Provincial Office at ng Mabalacat City Police Station.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)