Ayaw magbayad ng ininom sa bar kelot arestado sa panunutok ng baril

Police Arrest

DINAMPOT ng mga awtoridad ang isang lasing na lalaki matapos magwala at manutok ng baril sa isang videoke bar sa bayan ng Mariveles, lalawigan ng Bataan, nitong Lunes, 21 Setyembre.

Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Marites Salvador, provincial director ng Bataan PPO, nagresponde ang mga tauhan ng Mariveles MPS sa isang naiulat na insidente sa isang videoke bar sa Brgy. Balon Anito, sa nabanggit na bayan, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Napag-alaman sa ulat, bumunot at tinutukan ng suspek ng baril ang isang babaeng floor manager matapos komprontahin dahil sa hindi pagbabayad ng ininom na alak.

Matapos arestohin, narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang isang Glock 17 Gen 5 9mm pistol at isang magazine na puno ng 13 bala ng 9mm.

Hindi nakapagpakita ang suspek ng LTOPF o Permit to Carry Firearm Outside of Residence, na nagresulta sa kaniyang pagkakaaresto para sa mga kasong Grave Threat at paglabag sa RA 10591.

Ang pag-arestong ito ay sumasalamin sa pangako ng Bataan PNP na mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa buong probinsiya, kasama ang buong suporta ni PRO3 Regional Director P/BGen. Jess Mendez. (MICKA BAUTISTA)