Sa ika-54 anibersaryo ng Martial Law 17K+ pulis ikinalat sa buong bansa

Police PNP

INAASAHANG maglulunsad ng mga pagkilos at iba’t ibang uri ng protesta ang mga militanteng organisasyon para gunitain ang sinasabing pinakamalagim na panahon pagkatapos ng World War II sa kasaysayan ng Filipinas — ang deklarasyon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., noong 21 Setyembre 1972.

Kaugnay nito, ikinalat sa buong bansa ang 17,018 tauhan ng Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang seguridad at kaayusan sa paggunita sa ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ngayong  21 Setyembre.

Itinalaga ang 8,553 tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO), mga personnel mula sa Regional Support Units at Reactionary Standby Support Force, mga pulis mula sa PRO-CAR, PRO1, PRO3 at PRO4A, at 1,000 tauhan ng Philippine Coast Guard.

Ibinaba ang full alert status ng NCRPO mula 12:01 ng madaling-araw noong Biyernes, 18 Setyembre.

Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan niya ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance, pagpipigil, at propesyonalismo, lalo na sa mga public assembly, habang iginagalang ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagpapahayag.

Hinimok ng PNP ang mga kalahok na panatilihing mapayapa at maayos ang mga aktibidad, huwag harangan ang emergency routes at agad lumapit sa mga pulis o responder sakaling magkaroon ng emergency o insidente.