2 delivery rider nagsuspetsa
P.15-M ‘omads’, cannabis oil laman ng parsela isinuko sa pulisya

Marikina PNP Police

NAGSUSPETSA sa ipinahahatid sa kanilang mga parcel, isinuko ng dalawang delivery rider sa mga awtoridad ang kanilang mga dala na natuklasang naglalaman pala ng P150,000 halaga ng hinihinalang mga produktong galing sa marijuana sa lungsod ng Marikina, nitong Biyernes, 18 Setyembre.

Sa ulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo, 20 Setyembre, naganap ang insidente noong Biyernes sa Barangay Parang, sa naturang lungsod, kung saan naghinala ang dalawang delivery rider sa ipadadala sa kanila kaya hindi na sila tumuloy sa drop-off point.

Sa halip, inalerto nila ang pulisya at dinala ang parcel sa Marikina CPS Intelligence Section para sa beripikasyon.

Sa pagsisiyasat ng parcel, nadiskubre ng mga awtoridad ang dalawang sachet ng hinihinalang high-grade marijuana na may timbang na 28 gramo, dalawang pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 800 gramo, at siyam na cartridge ng tig-1 mL ng marijuana oil.

Nagkakahalaga ang mga nasamsam na kontrabando ng P42,000; P96,000; at P11,700, ayon sa pagkakasunod-sunod, na may kabuuang halagang P149,700.

Pahayag ng pulisya, makikita sa insidente kung paano nagagamit ang mga lehitimong delivery service para sa pagpapakalat ng ilegal na droga.

Samantala, binigyang-diin ng PNP ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag ng publiko sa pagtulong sa mga awtoridad na mapigilan ang anumang klase ng krimen.

Pahayag ni PNP chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., “Malaki ang naitutulong ng ating mga rider sa pagpapanatili ng kaligtasan sa komunidad. Ang kanilang pagbabantay at pakikipagtulungan ay mahalagang suporta sa trabaho ng ating mga pulis.”