Bago mag-weekend
‘Queenie’ papasok sa PAR

Bagyo Queenie

NAGBABALA ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng maging bagyo ang isang low pressure area (LPA) na nasa silangan ng bansa.

Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang LPA sa Huwebes o sa Biyernes at tatawaging bagyong Queenie.

Dakong 8:00 ng umaga kahapon, Lunes, namataan ang LPA sa layong 2,045 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Sa ngayon ay wala pang direktang epekto sa bansa, ngunit inaasahang lalakas habang tumatawid sa Philippine Sea.

Sinabi ni PAGASA forecaster Benison Estareja, patungo ang weather disturbance sa direksiyon ng extreme northern Luzon bago sumapit ang susunod na linggo, at hahatakin ng Habagat simula Biyernes.

Kahapon, mahina ang Habagat na nakaapekto sa western section ng southern Luzon, posibleng magdulot ng pag-ulan sa hapon o gabi sa Palawan, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.

Samantala, maaliwalas ang panahon sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa sa umaga, ngunit posibleng magkaroon ng ulan sa hapon o gabi dahil sa epekto ng thunderstorms.