NASALANG sa ‘mainit na panggigisa’ ng mga kongresista ang Department of Energy (DOE) sa patuloy na problema sa suplay ng koryente sa Visayas.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy, deretsahang kinuwestiyon ni Committee Chairman Jose Alvarez ang DOE hinggil sa sunod-sunod na Yellow at Red Alerts sa rehiyon.
“Bakit Red and Yellow? Bakit Mindanao plants ‘di maka-supply? Bakit Luzon ‘di maka-supply?” tanong ni Alvarez.
Desmayado si Alvarez na wala pang naipakitang agarang solusyon ang DOE.
“Wala silang immediate solution,” aniya.
Umamin ang DOE na kulang ang conventional at baseload power plants sa ilang bahagi ng Visayas.
Ayon kay DOE Usec. Mario Marasigan, sabay-sabay na nag-outage ang ilang malalaking planta sa Mindanao kaya limitado ang koryenteng naipapasa sa Visayas — nasa 50 megawatts lamang sa ngayon.
Binanggit ni Marasigan, sa Negros, halos pawang renewable sources gaya ng solar ang ginagamit, at iisa lang ang baseload geothermal plant.
“Pag may planta na nag-outage, kulang na po tayo,” paliwanag niya.
Sa ngayon, nakatutok ang DOE sa mga generation company para maibalik agad sa operasyon ang mga naka-outage na planta.
Sa kabila nito, posible pa rin ang Yellow at Red Alerts sa ikalawa at ikatlong linggo ng Oktubre.
Kaya nananatiling hamon ang kakulangan ng firm at conventional generation upang matugunan ang pangangailangan sa koryente kapag hindi available ang ilang planta at hindi sapat ang renewable sources.
