Juliana Parizkova nilinaw walang gusot kay Vice Ganda

Juliana Parizkova SMILE

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez

MASAYANG ipinakita ni Juliana Parizkova, ang first-ever grand winner ng Miss Q&A contest  ng It’s Showtime noong 2018 ang kanyang bagong dentures.

Labinlimang taon nga ang hinintay ni Juliana bago nagpa-denture para matigil na rin ang mga namba-bash sa kanya. 

Nakausap namin si Juliana sa paglulunsad ng Samahan ng Manggagawa sa Industriya ng Live Events (SMILE) sa Seda Hotel, Quezon City noong September 18 na naka-all smile habang kinakausap namin.

“Nakakapanibago pero masakit pa eh. Pero masaya ako kasi ang daming happy din para sa akin,” panimula ni Juliana nang matanong ukol sa bagong dentures.

Kahapon ko lang ito ipinost sa social media, kaya maraming natutuwa na sana ma-maintain ko ang look na ito,” dagdag pa ni Juliana.

May ginagawang teleserye si Juliana na for continuity eh kailangan tanggalin ang pustiso.

“After shooting for the series, doon ko na talaga siya isusuot permanently,” aniya kasabay ng pasasalamat sa gumawa ng dentures na si Honey Dayrit ng Ethel I. Dental Clinic sa San Andres Branch.

Handa namang alisin pa rin ni Juliana ang pustiso kung kailangan. 

“Minsan kasi gusto pa rin nila na funny ang hitsura kapag wala silang ngipin.”

Bukod sa pagpapapustiso ipagagawa rin niya ang kanyang ilong.  

Sa kabilang banda sinabi naman ni Juliana na nananatili ang pagkakaibigan nila ni Vice Ganda. 

We’re okay, and we’re good. ‘Yung nangyari sa amin noon ni Vice Ganda, tapos na. Past is past. Napag-usapan na namin ‘yun,” paglilinaw ni Juliana bagamat matagal-tagal na rin silang hindi nagkikita ng Unkabogable star.

Subalit nagkakausap naman sila sa pamamagitan ng text.

“Ever since we’ve been texting. Pero naiintindihan ko naman na hindi agad siya nakaka-reply dahil busy siya. Tapos mine-mention pa rin niya ang name ko sa ‘It’s Showtime’, kaya nagpapasalamat ako. Sabi ko, ‘Meme, thank you for mentioning my name kanina sa ‘Miss Q&A.’ Sabi niya,’ Deserve mo ‘yan.”

Natanong si Juliana kung handa o okey sa kanya na maging hurado sa Miss Q&A. Anito, “Roon ako galing, kaya okay lang na maging guest judge ako kung maiimbitahan.  

Samantala, ganoon na lamang ang suporta ni Juliana sa SMILE dahil isinusulong ito ang proteksyon at mas matatag na kabuhayan para sa live events workers.

Mas malinaw na labor standards, social protection at mga oportunidad para sa tuloy-tuloy na trabaho ang nais isulong ng SMILE para sa mga manggagawa sa live events industry, lalo ang mga project-based at freelance workers.

Ayon sa grupo, mahalagang magkaroon ng mekanismo na makatutulong sa workers na manatiling may kabuhayan kahit natatapos ang isang production project.

Kabilang sa mga umaasa sa project-based work ang stagehands, technicians, riggers, production assistants, drivers, suppliers, performers at iba pang personnel na bumubuo sa isang live event.

Dahil nakadepende sa mga proyekto ang kanilang trabaho, maaaring mawalan agad ng pagkakakitaan ang ilang workers matapos ang concert, festival, corporate event o iba pang production.

Isa sa mga mungkahi ng SMILE ang pagtatatag ng national industry registry para sa mga kwalipikadong manggagawa sa live events.

Maaaring ilista rito ang kanilang specialization, experience at training upang makatulong sa job matching at mas mabilis na pagkonekta ng skilled workers sa mga available na proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kasabay nito, nais ding palakasin ang skills training at certification programs para sa technical at production roles.

Iginiit ng grupo na hindi naman layunin ng panukala na baguhin ang project-based nature ng industriya.

Sa halip, nais nitong mapanatili ang flexibility ng live events habang nabibigyan ang workers ng mas maraming pagkakataon na makahanap ng panibagong trabaho kapag natapos ang isang production.

Binigyang-diin din ng grupo ang pangangailangang mapalawak ang access ng freelance at project-based workers sa SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, insurance at iba pang social protection programs.

Kabilang sa mga isinusulong ang portable benefits system, na maaaring magpatuloy ang benepisyo ng isang worker kahit magtapos na ang kanyang kontrata o lumipat siya sa ibang project.

Layunin nitong mabawasan ang agwat sa proteksiyon sa  regular at project-based workers.

Bukod sa job security, nais ding magkaroon ng mas malinaw na pamantayan sa working conditions sa industriya.

Kabilang dito ang working hours, overtime arrangements, kontrata, compensation at timely payment.

Mahalaga rin, ayon sa grupo, ang occupational safety dahil may mga production worker na humaharap sa panganib mula sa pagtatrabaho sa mataas na lugar, electrical systems, heavy equipment, rigging, transport at overnight setup at dismantling.

Iminumungkahi ang industry-specific safety standards, sapat na training at malinaw na accountability kapag hindi nasusunod ang mga itinakdang pamantayan.

Para sa SMILE, makatutulong din ang mas organisadong training at certification pathways sa professionalization ng live events workforce.

Bukod sa pagbibigay ng mas malinaw na career development para sa workers, maaari rin itong makatulong sa pagpapataas ng production standards at pagkilala sa skills ng Filipino technical at production personnel.

Iminumungkahi rin ng grupo ang pagkakaroon ng regular na national dialogue na lalahukan ng mga manggagawa, production companies, event organizers, suppliers, performers at kinauukulang government agencies.

Layunin nitong mabuo ang mga polisiya at programa batay sa aktuwal na kalagayan ng mga taong nagtatrabaho sa live events industry.

Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, nais ng SMILE na magkaroon ng mas malinaw na balanse sa pagitan ng flexibility na kailangan ng live events industry at ng seguridad, proteksyon at professional development na kailangan ng mga manggagawa nito.