16 votes ibababa para sa conviction ni Sara

Sipat Mat Vicencio

SIPAT
ni Mat Vicencio

HINDI makukuha ang 16 votes na kailangan para mahatulang guilty si Vice President Sara Duterte maliban na lamang kung ibababa ang threshold o hangganan ng boto sa isang impeachable official na nahaharap sa kasong impeachment tulad ng bise presidente.

Mahirap at hindi madaling maaabot ang 16 votes sa conviction ni Sara kung ang tatlong senador na nasa minority bloc ay hindi babaliktad o tatalon sa majority bloc ni Senator Win Gatchalian na ngayon ay may bilang na 13.

Sa kasalukuyan, 11 ang bilang ng mga senador na nasa minority bloc kabilang ang apat na senador na ‘nawawala’ o hindi lumulutang sa Senado. Ang minority bloc ay nasa ilalim ng liderato ni Senator Alan Peter Cayetano.

Sina Senators Dante Marcoleta at Jinggoy Estrada ay nakakulong, samantala si Senator Bato Dela Rosa ay nagtatago pa rin at patuloy na hinahanap ng mga awtoridad. Si Senator Loren Legarda naman ay nasa France.

At dahil mahirap makakuha ng 16 votes, inaasahang ang mga senator-judges na mismo ang magdedesisyon na ibaba ang voting threshold para sa conviction ng isang impeachable official tulad ni Sara.

Hindi maitatanggi na matindi ang alitan nina Pangulong Bongbong Marcos, Jr., at Sara, at ang pagbabagong gagawin ng mga senator-judges sa conviction vote ay dahil sa sinasabing ‘impluwensiya’ ng pangulo.

Sa pagharap naman ng apat na ‘amici curiae’ na sina dating Supreme Court chief justices Hilario Davide, Jr., Artemio Panganiban, at Reynato Puno; at Associate Justice Adolf Azcuna, sa impeachment court nitong September 16, nagbigay sila ng kanilang opinion sa voting threshold para sa conviction ni Sara.

Ayon sa tatlong dating chief justices, maaaring magbago ang voting threshold base sa partisipasyon at presensiya ng mga senator-judges.  Ayon naman kay Azcuna, ang voting threshold ay base sa ‘all is all’.

Ay naku, talagang segurista si Bongbong. Uunahan na niya si Sara, baka siya pa ang makulong!