Maraño, umaasang mas lalakas pa ang Alas Women

Aby Maraño

UMAASA si dating Philippine women’s volleyball team captain Aby Maraño na magsisilbing inspirasyon ang naging kampanya ng Alas Pilipinas Women sa 20th Asian Games upang lalo pang pagbutihin ng mga manlalaro ang kanilang paghahanda para sa mga susunod na laban sa international competitions.

Hindi man umabot sa quarterfinals ang Alas Women matapos yumuko sa Kazakhstan sa four-setter, 29-27, 24-26, 23-25, 19-25, nakita pa rin ni Maraño ang malaking potensyal ng kasalukuyang national team lineup.

“Sa lineup, napaka-potential at iba’t ibang opportunities na maidadala ng team nila, sana maidala nila,” ani Maraño sa lingguhang Tabloid Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) Usapang Sports Forum sa Philippine Sports Commission Media Room sa Rizal Memorial Sports Complex, Manila.

Ayon kay Maraño, mahalaga ang mahabang paghahanda at tuluy-tuloy na pagsasanay upang mabuo ang chemistry at familiarity ng isang koponan.

“Ang team natin, masasabi ko na kulang talaga sa mahabang ensayo na sunod-sunod na magkakasama kasi yung chemistry at familiarity, hindi bubuuin ng ilang buwan lang,” pahayag ng dating national team player na pitong taon nagsilbi sa bansa.

Ipinunto rin niya na malaking hamon para sa Alas ang makipagsabayan sa mga koponang matagal nang magkakasama at nagsasanay bilang isang unit.

Gayunman, pinuri ni Maraño ang fighting spirit ng Alas at ang ipinakitang puso ng mga manlalaro sa torneo.

“Completely against this team na matagal nagkakasama at nageensayo together. Swerte tayo doon pero nakita natin ang puso at laban na ipinamalas ng mga manlalaro natin. Dumikit tayo sa kanila,” dagdag niya.

Umaasa si Maraño na magsisilbing dagdag-motibasyon sa Alas ang karanasan sa Asian Games upang mas pag-igihin pa ng mga manlalaro ang kanilang ensayo at paghahanda.

“I think we can start from there, take it as an inspiration at motivation na sana ma-ignite ang fire ng mga atleta ng Alas na patuloy na lumaban para sa Pilipinas at mag-ensayo pa,” saad niya.

Suportado ang TOPS forum ng PSC, Pocari Sweat at Behrouz Persian Cuisine. (HNT)