Kapwa akusado sa kasong plunder
Personal assistant ni Romualdez nakaalis ng bansa – BI

Bureau of Immigration Intelligence Division

NAKASIBAT ng bansa ang personal assistant at kapwa akusado ni Leyte representative at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa kasong Plunder, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Huwebes.

Kinompirma ng BI na si Joselyn Serenio, kabilang sa mga isinailalim sa hold departure order (HDO), ay nakalabas na ng Filipinas bago pa man maisyuhan ng kautusan.

Hindi nagbigay ang ahensiya ng iba pang detalye tungkol sa biyahe ni Serenio, kabilang ang petsa at destinasyon, alinsunod sa Data Privacy Act of 2012 at iba pang kaugnay na batas.

Samantala, sinabi ng PNP spokesperson na si PCol. Allen Rae Co, posibleng humingi ang pulisya ng international cooperation upang matunton at maaresto si Serenio.

Nananatili sa Filipinas sina Romualdez at Felicito Cristobal Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corporation, na kapwa akusado sa P7.4-bilyong plunder case kaugnay ng anomalya sa flood control projects.

Kamakalawa, naghain si Romualdez ng not guilty plea sa nasabing kaso. Inilipat siya sa Quezon City Jail mula sa Philippine General Hospital (PGH) noong Lunes ng gabi matapos ideklarang clinically stable at maaari nang ma-discharge.