Operating prison and penal farms no-fly zones  
‘DRONE JAILBREAK’ MINALIIT NG BuCor

BuCor Bureau of Corrections

NANINDIGAN ang Bureau of Corrections (BuCor) na mahigpit ang seguridad sa mga piitan kaya malabong makatakas ang kahit sinong preso gamit ang drone.

Tiniyak ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang, Jr., itinuturing na no-fly zones ang lahat ng operating prison and penal farms at may mga watchtower na may tauhan 24-oras bawat araw upang agad matukoy ang mga tangkang pagtakas gamit ang drone.

Nakatutok rin ang mga CCTV camera sa loob at paligid ng mga correctional facility.

Ani Catapang, agad mapapansin ng mga guwardiya ang drone dahil sa ingay ng motor nito, lalo na kapag mababa ang lipad.

Maaari rin mairekord at masubaybayan ng CCTV ang mga kahina-hinalang aktibidad sa paligid ng mga gusali at restricted areas, na nagbibigay-daan sa mabilis na pagtugon ng mga awtoridad.

Ibinunyag ni Catapang, kabilang sa natukoy na sinabing planong pagtakas ang isang South Korean drug boss na dating nakapiit sa BuCor ngunit nai-turn over na sa South Korean government.

Ayon sa opisyal, kabilang sa plano ang paggamit ng drone sa posibleng jailbreak, bagama’t itinuring niya itong malabong maisagawa dahil sa mahigpit na seguridad.

“Ito, itong Koreano na ‘to na na-deport, most wanted sa Korea ‘yan. Maraming pinatay. And then balita-balita, gustong gumawa ‘ata ng pelikula to immortalize his escapades and illegal activities.

“So ‘yan ‘yang mga ginagawa nila. Pero, napakalabo, sobra pa sa-James Bond movie ‘yan,” dagdag ni Catapang.

Samantala, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Ian Norman Dato, nadiskubre ang sinabing plano bago pa ito maisagawa at walang naitalang aktuwal o kompirmadong tangkang pagtakas.

Dagdag ni Dato, patuloy na mino-monitor ng BuCor ang posibleng paggamit ng drone sa pagpapasok ng kontrabando, communication devices at iba pang ipinagbabawal na gamit sa mga kulungan, at nakahanda nitong pigilan ang mga pagtatangkang jailbreak.