
HATAW News Team
NAIS ng Kamara na humarapsi Meta Chief Executive Officer (CEO) Mark Zuckerberg sa Kongreso nang isyuhan ng subpoena para dumalo sa pagdinig hinggil sa kaligtasan sa social media, partikular sa epekto ng mga bayolenteng insidente sa kabataan.
Ipinagpaliban muna nitong Miyerkoles ng gabi ng Kamara ang deliberasyon sa panukalang P10.68 bilyong pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sinabi ni PhilRECA Partylist Rep. Presley de Jesus, dapat munang matukoy kung paano mapipigilan ang mapanganib na online content, masugpo ang mga scam, at matiyak ang kasunduan ng pamahalaan sa mga social media platforms bago ipagpatuloy ang pagtalakay sa pondo.
“Without that information, it is difficult for Congress to properly assess the resources being requested are producing the intended outcomes,” pahayag ni De Jesus sa plenaryo.
Nakatuon ang pagdinig sa pananagutan ng mga social media platforms sa paglaganap ng online sexual abuse at exploitation ng mga bata, illegal online gambling, cyberbullying, at pagkahumaling sa social media.
Kinikilala ni DICT Secretary Henry Aguda ang oversight function ng Kamara upang tiyakin ang pananagutan ng mga pangunahing social media platforms sa mga ilegal na aktibidad online.
Aniya, mahalagang maipatawag si Zuckerberg upang personal na magpaliwanag sa isyu.
Hndi tinukoy ni Aguda kung kailan maaaring isalang si Zuckerberg sa pagdinig ng Kamara.
