HINIKAYAT ni Marikina City 1st District Rep. Marcy Teodoro ang kanyang mga kasamahan sa House of Representatives na gawing prayoridad ang pagpasa ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na aniya’y magpapalakas sa transparency at pananagutan sa mga proyekto ng pamahalaan, sa harap ng paglubog sa baha ng ilang bahagi ng Central Luzon at National Capital Region (NCR) nitong mga nakaraang linggo.
Ayon kay Teodoro, dapat kabilang ang CADENA Act sa mga prayoridad na panukalang batas na isusulong ng mga mambabatas dahil itataguyod nito ang higit na transparency sa paggamit ng pambansang budget at titiyaking napupunta ang pera ng taong-bayan sa itinakdang layunin nito.
“Of course, ‘yung CADENA Bill ay inaasahan nating magiging priority bill natin itong second regular session para ‘yung access to information and to procurement ay mas maging transparent at ‘yung accountability na sinasabi ay mangyari,” ani Teodoro.
Aniya, kailangan magtulungan ang mga mambabatas upang matiyak na maisasabatas ang mga prayoridad na panukala gaya ng CADENA Act.
“I think we need to work harder and to put our acts together in order for us to be able to achieve ‘yung target natin na number of priority bills na maipasa para sa mga Filipino na nangangailangan nito,” wika niya.
Ang bersiyon ng CADENA Act sa Senado — Senate Bill No. 1506 — ay inaprobahan sa ikatlo at huling pagbasa noong 15 Disyembre 2025, sa botong 17-0, nang walang tumutol o nag-abstain.
Sa ilalim ng CADENA Act, inaatasan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na mag-upload at regular na magpanatili ng detalyadong mga dokumentong may kaugnayan sa badyet — kabilang ang mga kontrata, halaga ng proyekto, bills of materials, at mga rekord ng procurement — sa isang Digital Budget Platform.
Nauna nang pinuri ni Senador Bam Aquino, pangunahing may-akda at pangunahing sponsor ng CADENA Act sa Senado, ang mga epektibo at totoong flood control projects ng Marikina City, at sinabing dapat bigyang-prayoridad ang pondo para sa mga katulad na proyekto.
Pinuri rin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang flood management at waste recycling ng Marikina City, na aniya’y maaaring magsilbing modelo para sa iba pang local government units (LGUs) sa pagtugon sa pagbaha at solid waste management.
Sa kanyang pag-iinspeksiyon sa Marikina River Linear Park at Centralized Materials Recovery Facility, pinuri ni Marcos ang circular economy model ng Marikina City na hindi lamang nakatuon sa paglilinis ng mga ilog at pangongolekta ng basura, kundi nagbibigay-diin din sa paglikha ng sistemang kung saan ipinoproseso at muling ginagamit ang basura hangga’t maaari.
“Kaya tayo nandito dahil ito ang pinakamagandang halimbawa ng circular na economy. Dahil nagagamit as much as possible lahat no’ng mga maaari pang maulit na gamitin na recycle ay nagagawan nila ng paraan,” wika ni Marcos.
“At ito dapat ang maging template, at nagiging template na ngayon sa lahat ng iba’t ibang lungsod sa Filipinas, lalong-lalo na siyempre dito sa NCR,” dugtong niya.
NLEX handang makipagtulungan
sa pamahalaan sa usapin ng baha
HANDANG makipagtulungan ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa pamahalaan sa kahit anong solusyong ilalapat sa problema ng pagbaha sa kalye sa panahon ng malalakas na pag-ulan.
Nagpahayag ng kahandaan ang NLEX matapos sabihin ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez sa pagdinig ng Senate Committee on Finance ang ukol sa 2027 proposed budget ng ahensiya.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Lopez na nakatakda silang magpulong ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at mga konrtratista upang tugunan ang mga problemang hinaharap sa NLEX.
Aminado si Lopez, sa kasagsagan ng mga programang lalo pang magpapaganda ng serbisyo sa NLEX ay naapektohan din talaga ang mga lugar dahil may mga natatamaang hindi dapat tamaan ang mga kontratista.
Ngunit tiniyak ni Lopez, agad nilang tutugunan ang problema upang matugunan sa lalong madaling panahon ang problema ng pagbaha sa tuwing malakas ang pag-ulan.
Tinukoy ni Senate President Sherwin Gatchalian, sa kanilang lugar sa Valenzuela apektado rin ng problema ay kayang-kaya naman nilang tugunan at bigyanng solusyon ngunit sa ibang lugar tulad ng Bulacan ay hindi na nila kakayanin pa sapagkat hindi ito sakop ng kanilang lungsod.
Tiniyak ni Lopez, lahat ng programa, proyekto, at improvement sa NLEX ay nakabatay at naayon sa nakatakdang plano o design.
Tiniyak ng pamunuan ng NLEX na gagawin nilang lahat ang maaaring solusyon upang tugunan ang problema ng pagbaha sa tuwing umuulan.
Ipinunto rin ng pamunuan ng NLEX na ang pangunahing layunin nila ay hindi lamang maging ligtas kundi mapabilis ang biyahe ng bawat motorista patungo at palabas ng norte. (30)
