ANIM katao ang namatay kabilang ang isang sanggol, habang 17 ang sugatan, nang mahulog ang sinasakyang truck sa isang bangin, may lalim na 100 metro sa Sitio Jakap, Talubin, bayan ng Bontoc, sa Mountain Province, nitong Martes, 15 Setyembre.
Kinilala ng Bontoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management ang mga namatay na sina Theresa Walitan; Rex Walitan, 5-buwang gulang; at tatlong babae at isang lalaking hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan.
Samantala, dinala ang 17 sugatang pasahero sa Bontoc General Hospital, kung saan sila kasalukuyang nilalapatan ng lunas.
Nabatid na may lulan ang truck ng hindi bababa sa 27 pasahero mula sa Isabela patungong Bakun, Benguet. Habang binabagtas ang Paracelis Rd., ay nahulog sa banging may lalim na 50 hanggang 100 metro dakong 12:40 ng tanghali kahapon.
Patuloy na tinutukoy at kinokompirma ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga namatay na biktima.
