PVL, bagong landas sa kampeonato sa ika-10 season

PVL 10th

NEW SEASON, new format, one grand prize.

Panibagong yugto ang bubuksan ng Premier Volleyball League (PVL) sa makasaysayang ika-10 season nito sa pamamagitan ng bagong All-Filipino Conference format na magbibigay ng mas maraming pagkakataon sa mga koponan na makipagsabayan, mas maraming manlalaro na maipakita ang talento, at mas malaking halaga sa bawat panalo tungo sa iisang pinakamalaking gantimpala—ang Philippine Grand Championship.

Sa unang pagkakataon, hahatiin ang conference sa tatlong serye—Siklab, Sigla at Sinag—na bubuo sa isang buong-season na karera para sa kampeonato na susukat hindi lamang sa kakayahang manalo kundi maging sa consistency, lalim ng roster at tibay ng bawat koponan.

Magkakaroon ng sariling kampeon ang unang dalawang serye habang mag-iipon din ng standings points na dadalhin hanggang sa ikatlo at huling serye. Ang kabuuang puntos ang magiging batayan ng ranking at seeding para sa Sinag, kung saan sasapit ang pinakamainit na yugto ng karera para sa Philippine Grand Championship.

Ibig sabihin, bawat laro ay mahalaga mula unang serve hanggang huling puntos. Hindi basta mawawala ang halaga ng naging performance ng mga koponan sa unang dalawang serye dahil ito ang huhubog sa kanilang puwesto, landas at tsansa sa paghabol sa pinakamalaking korona.

“Para sa All-Filipino Conference, magkakaroon tayo ng tatlong serye. Bawat serye ay may puntos na maiipon at magiging basehan ng ranking para sa ikatlong serye. Bawat serye ay magkakaroon ng kampeon hanggang sa ikatlo. Round-robin lahat,” ani PVL commissioner Sherwin Malonzo.

Magsisimula ang marathon sa Siklab, na tatakbo mula Oktubre 10 hanggang Disyembre 4, sa single round-robin elimination.

Aakyat sa semifinals ang top four teams, habang magkakaroon ng twice-to-beat advantage ang unang dalawang koponan laban sa No. 3 at No. 4 seeds, ayon sa pagkakasunod. Susundan ito ng best-of-three championship series.

May kakaibang panuntunan ang Siklab.

Sa unang serye, kailangang mabigyan ng pagkakataong makapaglaro ang lahat ng manlalarong nakalista sa roster ng bawat koponan. Dahil dito, magiging mahalaga ang lalim ng lineup at mabibigyan ng pagkakataon ang mas maraming atleta na maipakita ang kanilang galing sa pinakamalaking entablado.

“Ang unang serye ay magsisimula ngayong Oktubre hanggang Disyembre. Single round ito at ang top two teams ay may twice-to-beat advantage sa semifinals laban sa No. 3 at No. 4. Pagkatapos, best-of-three ang championship,” paliwanag ni Malonzo.

Pagkatapos ng Siklab, lilipat ang labanan sa mas mataas na antas sa Sigla.

Mananatili ang parehong pangunahing pormat—single round-robin elimination, semifinals para sa top four, twice-to-beat advantage para sa top two at best-of-three championship.

Ngunit wala na ang panuntunang kailangang gamitin ang lahat ng manlalaro.

Malaya na ang mga coach na gamitin ang kanilang pinakamalalakas na kombinasyon at gumawa ng mga taktikal na desisyong makatutulong sa kanilang koponan na manalo.

“Sa second series, pareho ang format. Ang pagkakaiba lang, sa unang serye ay kailangang makapaglaro ang lahat ng naka-declare sa scoresheet. Sa second series, all power na. Nasa coaches na kung paano nila gagamitin ang lineup nila,” ani Malonzo.

Sa puntong ito, lalo nang magiging mahalaga ang standings points mula sa Siklab at Sigla dahil bawat panalo ay maaaring magbago sa puwesto ng isang koponan bago ang huling serye.

Dito papasok ang Sinag, ang ikatlo at huling serye na magsisilbing grand finale ng All-Filipino Conference.

Ang naipong puntos mula Siklab at Sigla ang magiging daan sa isang high-stakes stepladder race para sa Philippine Grand Championship.

Ang top two teams sa overall standings matapos ang unang dalawang serye ay direktang aakyat sa best-of-three semifinals.

Samantala, ang pitong iba pang koponan ay kailangang dumaan sa mabigat na stepladder upang makuha ang natitirang dalawang puwesto sa Final Four.

“Sa third series, step-ladder format. Ang top two teams matapos pagsamahin ang kanilang puntos ay maghihintay sa semifinals, habang ang iba ay daraan sa step-ladder hanggang matukoy ang No. 3 at No. 4 teams,” ani Malonzo.

Magsisimula ang labanan sa Seeds 7, 8 at 9, na maghaharap sa single round-robin.

Ang dalawang nangungunang koponan ay magiging No. 7 at No. 8 seeds, habang matatapos sa ikasiyam na puwesto ang third-placer at tuluyang matatanggal.

Susunod na maghaharap ang No. 7 kontra No. 6, habang No. 8 kontra No. 5.

Ang mga mananalo ay haharap naman sa No. 3 at No. 4 seeds, ayon sa itinakdang bracket.

Ang mga makalulusot ay sasabak sa huling pagsubok—isang best-of-three showdown laban sa top two seeds—bago tuluyang makapasok sa semifinals.

“Sa semifinals, best-of-three ang Rank 1 laban sa Rank 4, at Rank 2 laban sa Rank 3. Sa finals, best-of-three rin at ang mananalo ang ide-deklarang Philippine Grand Champion,” dagdag ni Malonzo.

Dahil dito, lalo pang titindi ang bawat yugto ng kampanya.

Sa Siklab, maglalaban ang mga koponan para sa unang korona habang nag-iipon ng standings points at ipinapakita ang lalim ng kanilang roster.

Sa Sigla, mawawala ang all-player requirement at maaaring ilabas ng mga coach ang kanilang pinakamalalakas na lineup sa isa pang matinding championship race.

At sa Sinag, magsasama-sama ang lahat—ang gantimpala ng consistency, pressure ng survival at hamon ng stepladder—bago makuha ang pagkakataong makalaban para sa pinakamalaking korona.

Isang bago at mabigat na format ang naghihintay sa ika-10 season ng PVL. Hindi na lamang ito serye ng magkakahiwalay na torneo kundi isang buong-season na karera, kung saan bawat panalo ay maaaring humubog sa susunod na hamon at bawat serye ay maglalapit sa mga koponan sa kasaysayan.

Sa dulo ng mahabang paglalakbay, isang korona ang naghihintay.

Ang makalalampas sa huling best-of-three championship series ang tatanghaling Philippine Grand Champion, bilang sukdulang gantimpala sa isang matinding tatlong-seryeng kampanya para sa makasaysayang ika-10 season ng PVL. (PVL/HNT)