Dumaguete, umaangat bilang Pickleball capital ng Pilipinas

091426 Chaco Sagarbarria PSC pato Gregorio Pickleball

DUMAGUETE CITY — Mula sa simpleng grassroots na aktibidad hanggang sa pagiging ganap na sports movement, mabilis na kinikilala ang Dumaguete City bilang Pickleball Capital ng Pilipinas.

Mahigit 300 pickleball courts na ang matatagpuan sa lungsod, habang libu-libo pa ang mayroon sa buong Negros Oriental. Dahil dito, naging bahagi na ng buhay-komunidad ang pickleball, na pinag-iisa ang iba’t ibang henerasyon, pamilya at magkakapitbahay.

Hindi nakalampas sa pansin ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pamumuno ni Chairman Patrick Gregorio, ang mabilis na pag-unlad ng pickleball sa Dumaguete. Nangako ang PSC ng matibay na suporta upang sabayan ng world-class na mga pasilidad para sa football, athletics, archery at iba pang sports ang paglago ng lungsod bilang sentro ng pickleball.

Sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Negros Oriental Governor Chaco Sagarbarria, Dumaguete City Mayor Manuel “Chiquiting” Sagarbarria at Congresswoman Maisa Sagarbarria, at ng pambansang pamahalaan, unti-unting hinuhubog ang Dumaguete hindi lamang bilang pickleball powerhouse kundi bilang modelo ng komprehensibong sports development.

“Ang nakikita natin dito sa Dumaguete ay maaaring maging modelo kung paano maaaring yakapin ng mga lokal na pamahalaan ang mga bagong sports habang pinapalakas ang mga tradisyunal na disiplina. Ang pickleball dito ay hindi lamang libangan. Ito ay komunidad, kalusugan at kompetisyon na pinagsama-sama,” ani Gregorio.

Ipinahayag ni Gregorio ang paghanga sa ambisyosong sports vision ng Dumaguete City sa Nationwide Conduct of Handog ng Pangulo 2026 nitong Lunes, bahagi ng pagdiriwang sa ika-69 kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Inihatid ni Gregorio ang mensahe ng Pangulo sa harap ng libu-libong dumalo sa Dumaguete City Hall Forecourt, na binigyang-diin ang hangarin ng administrasyon na mailapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan sa iba’t ibang lungsod at lalawigan.

“May tumatandang populasyon dito sa Dumaguete at maging sa buong lalawigan, kaya perpektong sport para sa atin ang pickleball,” ani Mayor Chiquiting Sagarbarria.

Sa patuloy na pag-usbong ng pickleball at pagsisimula ng suporta ng PSC para sa mga pasilidad na maaaring gamitin sa iba’t ibang sports, itinutulak ng Dumaguete ang sarili bilang pambansang hub para sa sports development at sports tourism.

Pinagsasama ng lungsod ang lakas ng grassroots sports, pakikilahok ng pamilya at suporta ng mga institusyon upang makabuo ng pamana na hindi lamang nakatuon sa mga medalya kundi sa mas malusog na komunidad at mas matatag na pagmamalaki sa bansa.

“Ang pickleball ay sport hindi lamang para sa magkakaibigan kundi para rin sa pamilya. Maaaring maglaro ang bawat miyembro, maging competitive at manatiling malusog nang sama-sama. Naging libangan na ito rito sa aming lalawigan kung saan naglalaro ang mga tao mula sa iba’t ibang edad,” ani Governor Chaco Sagarbarria.

Tinalakay naman sa mensahe ng Pangulo ang iba’t ibang programa para sa kalusugan, trabaho at kabuhayan, gayundin ang suporta sa mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyo, bukod sa dagdag na oportunidad para sa mga manggagawa at estudyante.

Sa koordinadong pagkilos ng mga pambansang ahensiya at lokal na pamahalaan, naghatid din ng karagdagang mga programa para sa pangangailangan ng mga pamilya at komunidad, upang maging konkretong serbisyo at pangmatagalang benepisyo ang pagdiriwang ng ika-69 kaarawan ng Pangulo.

“Ang PSC ay nakatuon sa pakikipagtulungan sa Dumaguete at Negros Oriental upang matiyak na ang mga pasilidad para sa football, athletics at archery ay maitayo ayon sa world-class standards. Ganito tayo bumubuo ng landas mula grassroots tungo sa ginto, at mula ginto tungo sa kadakilaan,” ani Gregorio.

Kabilang sa 53 departamento, ahensiya at tanggapan ng pamahalaan na nakilahok sa Handog ng Pangulo 2026 at naghatid ng mga serbisyo at tulong sa mga taga-Negros Oriental ang Philippine National Police, Department of Trade and Industry, TESDA, Department of Health, Department of Natural Resources, DOJ, CHED, DOTR, DILG, DICT, NHA, PSA, DepEd, DSWD, DOLE, PhilHealth, DMW, LTO, NBI, Philippine Army at PCA, kasama ang host local government. (PSC/HNT)