PATAY ang isang 65-anyos na babae habang walo ang sugatan matapos tumaob ang isang pampasaherong jeep sa Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila, nitong Sabado ng hapon, 12 Setyembre.
Dead on-the-spot ang biktimang kinilala sa alyas na Rose, 65, nang bumaon at tumagos ang katawan nito sa isang mahabang bakal habang sugatan at pawang nilapatan ng lunas sa pagamutan ang walo pang pasahero na ang pinakabata ay nasa 24-anyos.
Nakauwi na ang iba sa kanilang mga tahanan matapos makompirmang maayos na ang kalagayan habang ang iba na nangangailangan ng lunas ay nananatili pa sa pagamutan.
Sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na pasado 4:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Rizal Avenue Extension sa Sta. Cruz.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nawalan nawalan ng kontrol ang driver ng jeep matapos masira ang preno nito.
Nabatid na sinadya ng driver na ibangga ang jeep sa isang bakal na poste para makahinto ngunit tumaob ang sasakyan sa tindi ng impact ng pagbangga nito.
Dinala ang walong sugatang pasahero sa mga kalapit na pagamutan upang mabigyan ng kaukulang atensiyong medikal.
Hawak na ng mga pulisya ang driver ng jeep na residente sa Caloocan City.
Mahaharap ang driver sa reklamong paglabag sa Republic Act 4136 o Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Multiple Injuries, and Damage to Property.
