NAWASAK ang isang sedan na naka-double park nang masagi ng truck ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nagresponde sa emergency sa Macabulos St., Barangay Bangkal, Makati City nitong Sabado.
Sa video ng Pulse PH, makikitang nahirapang dumaan ang BFP truck sa masikip na bahagi ng kalsada dahil sa mga nakaparadang sasakyan. Nasagi nito ang pinto ng sedan at naantala ang pagresponde sa sunog.
Iniutos ni LTO chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang pagtukoy sa driver at rehistradong may-ari ng sedan at pagpapalabas ng Show Cause Order.
Isinuko ng driver ang kanyang lisensiya na pinatawan ng 90-araw suspensiyon habang naka-alarm status ang sasakyan.
Pinahaharap sa LTO Intelligence and Investigation Division ang may-ari sa 18 Setyembre. Kabilang sa iniimbestigahang paglabag ang illegal parking at obstruction of traffic.
Binigyang-diin ni Lacanilao na bawat segundo ay mahalaga sa emergency response at nanawagan sa mga motorista na huwag humarang sa mga sasakyang nagreresponde.
