ARESTADO ang walo katao, kabilang ang isang babae, na pinaniniwalaang sangkot sa insidente ng pamamaril na ikinamatay ng isang lalaki sa Barangay Tigbe, bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Jay Baybayan, acting provincial director ng Bulacan PPO, dakong 4:15 ng madaling araw nitong Huwebes, 10 Setyembre, naganap ang krimen sa Pantaleon St., Sitio Gulod, sa nabanggit na barangay, kung saan natagpuang sugatan ang 47-anyos biktima na kalaunan ay idineklarang dead on arrival (DOA) sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte.
Agad nagsagawa ng beripikasyon at crime scene processing ang mga tauhan ng Norzagaray MPS, katuwang ang Bulacan Forensic Unit, habang isinasagawa ang follow-up operation upang matukoy at maaresto ang mga responsable.
Sa pangunguna ni P/Maj. Demosthenes Desiderio, Jr., OIC ng Norzagaray MPS, nagsagawa ang mga operatiba ng nabanggit na himpilan, katuwang ang Sta. Maria MPS, Bulacan Provincial Intelligence Unit, Angat MPS, San Jose del Monte CPS, Meycauayan CPS, at Bulacan 2nd PMFC, ng joint hot pursuit operation dakong 11:50 kinagabihan sa Sitio Tibagan, Barangay Caypombo, sa bayan ng Sta. Maria, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na kinilalang sina alyas Aldrin, alyas Efren, at alyas Jaymark.
Nakompiska sa operasyon ang isang kalibre .45 pistol, isang magazine at apat na bala, isang sachet na naglalaman ng halos 17.2 gramo ng hinihinalang shabu, at isang motorsiklo, bukod sa iba pang ebidensiya.
Inaresto rin ang iba pang indibiduwal na kinilalang sina alyas Lord, alyas Rene, at alyas Crisel dahil sa pagtatangkang itago ang mga suspek at iligaw ang mga operatiba, na itinuturing na obstruction of justice.
Samantala, nagpatuloy ang hot pursuit operation matapos makuha ang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng dalawa pang suspek, na nagresulta sa pagkakadakip kina alyas Jeron at alyas Alvin dakong 2:05 ng madaling-araw nitong Biyernes, 11 Setyembre, sa Sitio Gitna, Barangay Balasing, Sta. Maria.
Nakompiska mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver, mga bala, at ilang sachet ng hinihinalang shabu.
Inihahanda ang mga kaukulang kaso para sa kasong Murder at paglabag sa RA 9165 laban kina alyas Aldrin, alyas Efren, alyas Alvin, at alyas Jeron.
Mga kasong paglabag sa RA 10591 ang inihahanda laban kina alyas Aldrin at alyas Jeron, paglabag sa RA 9165 laban kay alyas Jaymark, at paglabag sa PD 1829 o Obstruction of Justice laban kina alyas Lord, alyas Reneboy, at alyas Crisel.
Ayon kay P/Col. Baybayan, patuloy na paiigtingin ng pulisya ang mga follow-up at hot pursuit operations upang matiyak na mananagot sa batas ang mga responsable sa krimen.
Aniya, ang mabilis na pagkilos, koordinasyon, at pakikipagtulungan ng iba’t ibang police units ay mahalaga upang mapanatili ang seguridad at katahimikan sa mga pamayanan ng Bulacan. (MICKA BAUTISTA)
