MABILIS na nilampaso ng Far Eastern University (FEU) ang Arellano University, 25-16, 25-14, 25-19, sa straight sets upang manatiling walang talo sa 2026 V-League Collegiate Challenge nitong Linggo ng gabi sa Gameville Central Park sa Mandaluyong City.
Kumawala ang Tamaraws sa huling bahagi ng third set matapos makabangon sa matinding paghabol ng Chiefs para selyuhan ang kanilang ikatlong sunod na panalo at umangat sa 3-0 kartada.
“Lahat naman ng team na makakalaro natin, talagang gusto nilang kunin ’yung game sa atin. Kaya medyo hindi puwedeng petiks-petiks lang,” ani FEU head coach Eddieson Orcullo.
“’Yun talaga ang target ng team, dapat bumaba ’yung errors tapos dumami ’yung magandang ginagawa. Tapos ’yung factor din na nagbigay din ng opponent errors,” dagdag niya.
15 errors lamang ang ginawa ng FEU sa mabilis na 74-minutong laban.
Tinangka ng Arellano na pahabain ang laro sa third set, ngunit nauwi sa wala ang kanilang pagsisikap nang basagin ni Amet Bituin ang 18-all na tabla. Nagpasiklab si Bituin ng tatlong puntos sa 7-1 finishing run ng Tamaraws para tuluyang isara ang laban.
Nanguna si Bituin sa FEU na may 11 puntos mula sa walong attacks at tatlong blocks, habang kumana si Doula Ndongala ng 10 puntos, kabilang ang walo sa 14 blocks ng koponan at dalawang attacks.
Nag-ambag sina Mikko Espartero at Kyle Tandoc ng tig-anim na puntos, habang may limang markers si Dryx Saavedra para sa Tamaraws.
Target ng FEU na palawigin sa apat ang kanilang winning streak sa pakikipagharap sa UAAP rival na National University sa Setyembre 26.
Samantala, bumagsak sa 2-3 ang Chiefs at nakatabla sa ikaapat hanggang ikapitong puwesto kasama ang University of Santo Tomas, College of Saint Benilde at De La Salle University.
Si Angelo Fernandez lamang ang umangat para sa Arellano sa pagkatalo, matapos magtala ng 10 puntos mula sa pitong attacks at tatlong aces.
May limang puntos si Jake Teves mula sa bench, habang tig-aapat sina Daniel Agovida, Arman Guinto, Jake Pangilinan at Jiwen Sinuto.
Susubukan ng Arellano na makabangon laban sa Mapua sa Sabado, alas-10 ng umaga. (V-L/HNT)
