ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ISA si Gelli de Belen sa tampok sa pelikulang Mantsa. Ito ay isangpsychological thriller movie mula sa pamamahala ng award-winning director na si Louie Ignacio.
Nakagawa na siya ng comedy, drama, action, ano pa ang gusto niyang gawin?
Sagot ni Gelli, “Gusto ko lang mag-work, kasi noong araw ay nagawa kong lahat iyan, hindi ba? Pero when you get to this age, my age right now, ibang treatment iyon, ibang acting, ibang characterization.
“Kasi, iyong ginawa kong drama noon ay pangdalaga, or iyong ginawa kong comedy ay pang-nanay, ngayon ay iba naman. There’s so many roles, e…”
Anong role ang hindi niya kayang tanggapin?
Mabilis na sagot niya, “Iyong bold! At saka parang hindi (ko) naman problema, hindi naman nila ako kukunin doon, sa tanda kong ito. At saka kailangan yata medyo gifted ako,” sabay tingin sa dibdib niya ang 53-year-old na aktres.
Nakangiting hirit pa niya, “Hindi ko naman kaya iyon at nakahihiya sa mga anak ko, baka pagtawanan lang ako ng mga anak ko…
“Baka sabihin, ‘Ma ano ka ba, kadiri!’” Nakatawang sambit pa ni Gelli.
May ‘mantsa’ ba sa kanyang buhay na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggal?
Esplika ni Gelli, “Feeling ko, parang lahat naman tayo ay may mantsa sa buhay. Feeling ko, dala na rin ng pagkakamali, pagkakarapa… at ang feeling ko, mabubura lang ang mga mantsang iyan kung matututo tayo sa mga pagkakamaling iyan.
“In short, matatanggal iyan kapag ibinabad mo siya sa zonrox,” nakangiting wika niya.
“So, either you correct your mistakes or you understand why you made those mistakes. And itong mga mantsang ito, we won’t live it for life if those things do not happen to us.
“It means you made decisions, you risked things, you made a mistake… nadapa, tumayo and you suceeded. And if wala kang ganoon sa buhay mo, para que pa tayong nabubuhay, hindi ba? Parang… you live life to the fullest, that’s why we only have one life, enjoy-in natin siya,” mahabang wika pa niya.
Bukod kay Gelli, tampok din sa pelikula sina Ms. Pilar Pilapil, Shira Tweg, at Khai Flores.
Kasama rin sa Mantsa sina Janice de Belen, Snooky Serna, Lloyd Samartino, Dino Guevarra, LA Santos, Bo Bautista, Ghia Garcia, Mill Marzo, RJ Ariar, Rain Barreto, Miles Poblete, at iba pa.
Sa nabanggit na presscon din ng kanilang pelikula, may ibinuking si Gelli ukol sa co-star na si Ms. Pilapil.
Sinabi ni Gelli na nagkasama na sila noon ni Ms. Pilar, pero sa MMK.
Aniya, “No, it’s not our first time, pero teenager pa yata ako noon sa MMK. Sa pelikula, first time ito.”
Kumusta siyang ka-work dito sa Mantsa?
“Ay naku, lovely! Kunwari lang very prim and proper si Tita Pilar, pero ang daming kuwento niyan, in-interview ko siyang maigi,” nakatawang bulalas ni Gelli.
“Masayang kasama si Tita Pilar at saka akala n’yo ay estrikto siya, pero hindi naman pala. Akala n’yo lang iyon, mali ang impression… She gives off this impression that she is strict, she is formal. But really when you talk to her, ang dami niyang kuwento, nakaaaliw si Tita Pilar,” nakangiting pahayag pa ng esposa ni Ariel Rivera.
Ipinahayag naman ni Gelli na saludo siya sa husay ni Direk Louie.
“Magaan katrabaho si direk Louie and the shots are really beautiful. He is so creative when it comes to shots, vision, ang husay talaga…”
Ayon kay Gelli, excited na talaga siya sa simula pa lang ng kanilang pelikula. “Kasi I’ve never worked with Direk Louie puro kami “Sis” (dating talk show sa GMA-7), puro kami variety show, never talagang may
acting.”
Ang pelikulang Mantsa ay mula saDragon Talent Management ng mga producer na sina Bambbi Fuentes at Tine Areola, co-producer dito si Mr. Ric Valenzuela.
Mapapanood na ang Mantsa sa mga sinehan simula sa October 7.
