Gunma, nagpakita ng lakas sa Pinas, tinalo ang Hokkaido

Stanley Johnson Trey Jones Dwight Ramos Japan B League

NAGPASIKLAB agad ang Gunma Crane Thunders (GCT) sa unang laro nito sa Pilipinas matapos gapiin ang Hokkaido, 98-81, sa pambungad na laban ng B.League Manila Games 2026 nitong Miyerkules sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City. 

Hindi nagpatinag ang GCT at agad na kinontrol ang laro. Maaga silang kumawala para sa double-digit na bentahe at hindi na nakahabol  ang Levanga Hokkaido (LHK).

Mahalaga ang laban dahil ito ang unang laro ng B.League na ginanap sa labas ng Japan. Naging bahagi rin ito ng pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Japan.

Nanguna sa opensa ng Crane Thunders si Stanley Johnson (#14) matapos kumamada ng 23 puntos. Nagdagdag naman si Trey Jones ng 16 puntos.

Tumipa ng 13 puntos si Dwight Ramos (#2), pangunahing manlalaro ng Gilas Pilipinas, para sa Hokkaido sa pagkatalo nito.Tatlong puntos lamang ang naitala ng kapwa Gilas standout na si AJ Edu (#15) para sa Gunma.

Magtatapos ngayong Huwebes ang dalawang-araw na preseason showcase kung saan muling maghaharap ang Gunma at Hokkaido sa ganap na 7:00 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena. (HENRY TALAN VARGAS)