PATULOY ang imbestigasyon sa dalawang sasakyan na nasita ng Land Transportation Office (LTO) nitong buwan dahil sa paggamit ng pekeng plaka ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at LTO.
Nabuking ng mga operatiba na nakatago sa loob ng mga sasakyan ang kanilang tunay na plaka habang nakakabit at ginagamit sa kalsada ang mga hindi awtorisadong plaka, na naglalayong magmukhang may espesyal na awtoridad o pribilehiyo.
Nakompiska rin ang mga pekeng conduction sticker, blinker, at sirena.
Natagpuan sa mga sasakyan ang mga sticker na may pangalan o nagpapahiwatig ng koneksiyon sa isang miyembro ng Kongreso, na kasalukuyang sinusuri ng LTO upang matukoy ang pinagmulan at gamit nito.
Pansamantalang nasa kustodiya ng LTO ang dalawang sasakyan at sasailalim sa beripikasyon ang kanilang mga dokumento, plaka, kagamitan at iba pang identification markings habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Binigyang-diin ni LTO chief Markus Lacalinao na hindi maaaring gamitin ang sinasabing koneksiyon sa pamahalaan para makagamit ng pekeng plaka o makaiwas sa batas-trapiko.
Tiniyak ni Lacanilao, pantay ang pagpapatupad ng batas sa lahat ng motorista, anuman ang kanilang koneksiyon o katayuan.
