INIULAT ng Department of Migrant Workers (DMW) na dalawang tripulanteng Filipino ang namatay nang tamaan ng hindi pa tukoy na projectile ang Saudi-flagged crude oil tanker na M/V SIDR habang tumatawid sa Strait of Hormuz noong 31 Agosto.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, may 16 Pinoy ang sakay ng naturang tanker mula sa east coast ng United Arab Emirates at patungo sa direksiyon ng Strait of Hormuz nang atakehin sa bahagi ng karagatan ng Oman.
Nagkaroon ng sunog matapos ang pag-atake, ngunit naapula din agad.
Kabilang sa 16 Pinoy seafarers, ang dalawang nadisgrasya, habang ang 14 ay ligtas at kasalukuyang naghihintay ng kanilang biyahe pauwi sa Filipinas.
“Isang crude oil tanker, at inatake ng still unknown projectiles that hit the ship as it was about to cross the Strait of Hormuz,” pahayag ni Cacdac.
Kaagad na nagpaabot ng pakikiramay si Cacdac sa pamilya ng mga biktima at personal na bumisita upang magbigay ng tulong pinansiyal, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Nagbabala ang DMW laban sa pagpapadala ng mga Pinoy seafarers sa Strait of Hormuz, na nananatiling nasa ilalim ng red alert at itinuturing na ‘war-like’ at ‘high-risk zone’ sa kabila ng umiiral na tigil-putukan.
Kasunod nito, agad inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang mga ahensiya ng gobyerno na tulungan ang pamilya ng dalawang Pinoy seafarers at ibigay ang lahat ng kailangan pati ang benepisyo, compensation, at insurance.
Sinabi ng Palasyo nakikiramay ang Pangulo at ang administrasyon sa pamilya ng dalawang seafarers mula sa Cabuyao, Laguna at Daanbantayan, Cebu.
Tiniyak na hindi pababayaan ng gobyerno ang pamilyang naiwan ng dalawang marino.
