
HATAW news Team
SABI sa kanta ng bandang ASIN, “ang lahat ng ilog sa dagat patungo”.
Pero sa totoong pangyayari nitong Sabado, 29 Agosto hanggang kahapon Lunes, 31 Agosto, hindi nakaderetso sa dagat o sa Manila Bay ang tubig sa mga ilog.
Umapaw ang ilog sa Meycauayan, sa Marilao, at ang Pampanga river na pinaniniwalang dahilan ng pagbaha sa North Luzon Expressway (NLEX) noong Sabado at kahapon, Lunes, kasunod ng tuloy-tuloy
at malalakas na pag-ulan dulot ng hinatak na habagat ng mga nagdaang bagyo.
Kung noong Sabado ay inabot ng siyam na oras ang biyahe mula Maynila hanggang destinasyon sa norte, kahapon, marami ang nagsabi na inabot ng 12 oras ang kanilang pag-uwi dahil sa matagal na pagkakabinbin ng daloy ng mga sasakyan sa NLEX dahil sa sagabal na baha.
Umabot sa pitong kilometro ang haba ng trapiko ng mga sasakyan sa bahagi ng NLEX, partikular sa bayan ng San Simon, Pampanga dahil sa pagkaimbudo ng tubig sa highway habang tuloy-tuloy ang pag-ulan.
Sa pahayag ng NLEX Corporation, nagkabuhol-buhol ang daloy ng sasakyan mula sa Candaba Viaduct, Tulaoc, hanggang sa southbound lane ng San Simon interchange.
Pansamantalang isinara ang isang seksiyon ng NLEX at ang Libtong Exit sa Meycauayan, Bulacan.
Ang dating 40 minutong biyahe ay tumagal nang lima hanggang 12 oras.
Apektado pareho ang northbound at southbound lanes ng NLEX.
Sa kanilang advisory, sinabi ng NLEX, “Motorists approaching San Simon NB entry may take the San Simon Exit and re-enter NLEX via the San Simon entry as an alternative route to avoid the flooded section.”
“Motorists approaching San Simon SB may take the San Simon Exit and re-enter NLEX via the San Simon Southbound Entry as an alternative route to avoid the flooded section,” dagdag na pahayag.
Nagtalaga ng mga U-turn slots bago ang Tulaoc Overpass at San Simon Interchange para sa mga nais bumalik sa northbound lane.
Nakapag-deploy rin ng mga patrol officers ang NLEX upang umalalay sa mga motorista at pangasiwaan ang matinding sitwasyon ng trapiko.
Para sa mga commuters at netizens, ang naganap na insidente ay hindi simpleng baha dahil sa mga likas na pangyayari (natural phenomena) gaya ng pag-ulan.
Anila, “mayroong isang malaking problema na dapat i-address ng buong bansa” at naniniwala silang, ito ay ang walang habas na korupsiyon sa pondo ng sambayanan na ang tinutukoy ay ang pagwawaldas sa mga flood control projects.
Sa kabila nang lahat, lumutang pa rin ang likas na pagiging palabiro at masayahin ng ilang Pinoy.
Sa social media, patok at nag-viral ang post ng isang William Calingacion sa Traffic Updates – NLEX / SCTEX / TPLEX na “medyo marunong na ako mag-kapampangan” may hash tag na #SanSimonNlex.
Ang nasabing memes ay ipinaskil matapos siyang kumustahin ng ilang kaibigan.
Umani ang paskil ni Calingacion ng 164.9k laughs react at nadaragdagan pa, 1.3k comments, at 5.7k shares.
Magkakahalong 8.7k laughs, cries, at likes reacts naman ang natanggap ng paskil ni Zac Alviz na: “Yung hinatid mo sa airport, nasa Australia na. Ikaw, nasa NLEX pa rin. Ano na Pilipinas. Aray ko.”
Viral din ang paskil ng Driver A nadawel Vlog: “isang buwan na biyahe — umalis ka nang cubao august pagdating mo (na)ng san simon september na.”
Umabot sa 25k ang laughs at likes reacts, 792 comments, at 1.7k shares.
