Armadong lalaki nag-amok sa simbahan ng Baclaran

Baclaran Church

ISANG lalaking pinaniniwalaang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang nag-amok sa loob ng simbahan ng National Shrine of Our Mother of Perpetual Help sa Baclaran, lungsod ng Parañaque, matapos suntukin ang isang guwardiya na nagtangka siyang palabasin sa simbahan nitong Linggo ng hapon, 30 Agosto.

Kinilala ang suspek na si alyas Jenevie, 30 anyos, isang helper, residente sa Imus, Cavite, na dinakip dakong 5:15 ng hapon kamakalawa ng mga tauhan ng Baclaran Police Sub-Station.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nilapitan ng isang guwardiya si alyas Jenevie nang mapansin ang kakaiba nitong kilos na tila lasing.

Nang tangkain ng guwardiya na akayin siya palabas ng simbahan, bigla niyang sinuntok ang guwardiya na nauwi sa pisikal na pagtatalo.

Tumulong ang ilang mga nagsisimba at pinigilan ang suspek hanggang dumating ang mga nagrespondeng pulis.

Nakompiska ng pulisya ang kalibre .38 paltik na may lamang bala mula sa suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandal), Article 151 (Disobedience to an Agent of a Person in Authority), at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Samantala, inilinaw ng pamunuan ng simbahan na walang pamamaril na naganap sa loob ng dambana, saliwa sa kumakalat na balita.

Ayon kay National Shrine of Our Lady of Perpetual Help Rector Fr. Rico John Bilangel, C.Ss.R., agad nagresponde ang kanilang mga guwardiya at pulis sa insidente.

Dagdag ng Pari, dalawa ang sugatan sa insidente na agad nalapatan ng pang-unang lunas.

Umapela rin ang pari sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.