ISINAILALIM sa protective custody ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlong Children in Conflict with the Law (CICL) na itinurong sangkot sa robbery with homicide case matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad.
Sa report na natanggap ni QCPD Director PBGen. Christopher Olazo, natagpuan ang bangkay ng isang 57-anyos lalaki dakong 11:20 ng umaga noong 26 Agosto sa loob ng banyo ng isang hotel sa Timog Avenue, Barangay Sacred Heart, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Kamuning Police Station 10, lumitaw sa CCTV footage na huling nakita ang biktima na buhay noong 23 Agosto habang kasama ang tatlong CICL sa hotel.
Kalaunan, nakita ang tatlong kabataan na umalis dala ang ilang personal na gamit ng biktima. Nakatulong sa pagtukoy sa mga suspek ang pagsusuri sa cellphone na nakuha sa crime scene.
Sa pahintulot ng pamilya ng biktima, natukoy ng mga imbestigador na ginagamit ng mga CICL ang mga nawawalang device at nasundan ang kanilang lokasyon.
Nasakote sina alyas AJCE, 16 anyos, at alyas JLB, 17, sa Lumban, Laguna, habang si alyas RDS, 16, ay nadakip sa Tanauan City, Batangas.
Narekober sa operasyon ang ilang kinilalang pag-aari ng biktima, kabilang ang mga cellphone, wristwatch, pouch, bank, at credit cards. (30)
