
HATAW News Team
HINDI bababa sa 8.4 milyong indibiduwal ang naitalang apektado ng sama ng panahong hatid ng habagat at ng mga nagdaang bagyong Luis, Maymay, at Neneng.
Ipinahayag ito ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo, 3o Agosto.
Sa pinakahuling update, 6:00 ng gabi kahapon, ipinahayag ng NDRRMC na ang mga nagdaan at patuloy na nararanasang weather system ay nakaapekto sa 8.4 milyong indibiduwal o 2.4 milyong pamilya sa National Capital Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, at Zamboanga Peninsula.
Tinatayang nasa 122,500 indibiduwal o 35,500 pamilya ang pansamantalang tumutuloy sa 1,115 evacuation center.
Iniulat ng NDRRMC ang 32 kataong binawian ng buhay dahil sa mga insidenteng dulot ng masamang panahon.
Karamihan sa mga namatay ay mula sa Benguet dahil sa mga landslide, habang 19 ang sugatan at tatlo ang patuloy na pinaghahanap.
Ayon sa ahensiya, tinatayang nagkakahalaga ng P6.16 bilyon ang halaga ng pinsala sa impraestruktura habang P2.32 bilyon ang tinatayang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura.
Dagdag ng NDRMMC, nakapaghatid na sila ng P1.7-bilyong halaga ng tulong sa mga apektadong pamilya.
Isinailalim sa state of calamity ang 117 lugar sa Pangasinan, Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, Rizal, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro.
Samantala, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) hindi magla-landfall sa bansa ang tropical depression Pilandok ngunit palalakasin nito ang habagat na magdudulot pa rin ng pag-ulan.
Inaasahan ang patuloy na pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, ilang bahagi ng Central Luzon, Metro Manila, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, and Quezon), at Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, and Palawan).
646 lugar sa 7 rehiyon lumubog sa baha
TINUKOY ang 646 lugar sa pitong rehiyon ang lumubog sa baha habang nasa 2.3 milyong pamilya o kabuuang 8.4 milyon katao ang apektado ng malalakas na pag-ulan dala ng southwest monsoon o habagat, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) kahapon, 30 Agosto.
Kabilang sa mga apektado ang Central Luzon (Region III): 402 lugar sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales;
MIMAROPA (Region IV-B): 151 lugar sa Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Romblon.
National Capital Region (NCR): 53 lugar kabilang ang Malabon, Quezon City, Valenzuela, at Caloocan.
Western Visayas (Region VI): 26 lugar sa Iloilo.
Ilocos Region (Region I): 7 lugar sa Pangasinan, Dagupan City, La Union, at Ilocos Sur.
CALABARZON (Region IV-A): 6 lugar sa Cavite, Laguna, Rizal, at Batangas.
Zamboanga Peninsula (Region IX): 1 lugar sa Zamboanga del Sur.
Nananatili ang death toll sa 32, 19 sugatan, at 3 nawawala.
186mm ulan ibinagsak sa Metro Manila sa loob ng 23 oras
INIULAT ng Department of Science and Technology – Philippine Astrological, Geophysical, and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) Science Garden Station, nakapagtala sila ng halos 186 millimeters (mm) ulan sa Metro Manila sa loob ng 23 oras, dulot ng southwest monsoon o habagat, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Linggo.
“Based on records from the DOST-PAGASA Science Garden Station in Quezon City, the amount of rainfall dumped on Metro Manila reached 186 millimeters (mm) within 23 hours, from 9:00 a.m. on August 29 until 8:00 a.m. today, August 30,” ayon sa post ng MMDA sa X, dating Twitter.
Una nang iniulat nitong Sabado ng PAGASA na 143.5 mm ng ulan ang naitala sa Metro Manila sa loob ng siyam na oras, mula 9:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.
Katumbas ang 186 mm ulan sa loob ng 23 oras ng 1/3 na bagsak ng ulan sa loob ng isang buwan. Nabatid na ang average na ulan ay nasa 5.5 mm kada araw kompara sa 34 beses na mas mataas sa daily baseline.
Kung tuwing Agosto na pinakamaulan, ay 568 mm sa buong buwan, mayroon lamang 18.3 mm average kada araw na 10 beses mas mataas kompara sa 186 mm.
Tiniyak ng MMDA na 24/7 ang kanilang pagmo-monitor sa sitwasyon sa mga kalsada na humupa na rin sa ibang lugar.
Kabilang sa isinagawa ng MMDA ang pagpapadala ng motor pumps para sa mabilis na paghupa ng tubig, habang patuloy ang declogging at dredging operations.
La Mesa Dam umapaw habagat tuloy pa rin
MULING NAGBABALA ang mga awtoridad ng pagbaha
lalo sa ilang lugar na tiyak na maaapektohan ng pag-apaw ng La Mesa Dam kahapon ng madaling araw, na dumaloy sa Tullahan River patungo sa malaking bahagi ng Metro Manila at Luzon.
Naitala ng PAGASA na umabot sa 80.30 metro ang lebel ng tubig sa dam dakong 5:00 ng umaga, mas mataas sa 80.15 metro nitong overflow elevation.
Direktang dadaloy ang sobrang tubig mula sa reservoir papunta sa Tullahan River, na maaaring makaapekto sa mga mabababang lugar sa Quezon City, Caloocan, Valenzuela, Malabon, at Navotas, ayon sa PAGASA.
Nagbabala ang Ahensiya na maaaring lalo pang tumaas ang lebel ng tubig sa ilog kung magpapatuloy ang pag-ulan.
Binabantayan ng weather bureau ang isang low pressure area na nasa 1,340 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon nitong dakong 3:00 ng umaga, habang ang habagat ay nakaaapekto sa Luzon at Visaya.
Kabilang sa binabantayan ang CALABARZON o Laguna, Cavite, Rizal, Batangas, at Quezon na maaaring makaranas ng katamtaman hanggang occasional na matinding ulan.
